HINDI na dapat gawing “dambuhalang isyu” ang umano’y illegal na pakikibahagi ng Asian Productivity Organization (APO) sa mga printing jobs sa pamahalaan. Ilang araw ding namayagpag sa ilang tabloids ang istoryang ito na ang patutunguhan lang pala ay basura.
Ibinasura na ng hukuman noong Hunyo 15 ang petisyon para sa isang Temporary Restraining Order (TRO) laban sa operasyon ng APO lalu na sa mga security at accountability forms ng pamahalaan. Ayon kay Judge Evangeline C. Castillo-Marigomen ng Branch 101,Regional Trial Court nang Quezon City, ang hinihinging TRO ay walang basehan at ang operasyon ng APO ay hindi nakakaperhuwisyo sa mga nagbabayad ng buwis.
Pinadalhan ako sa email ng fact-sheet ng Pangulo ng APO na si Mila Alora at nakita kong walang irregular sa operasyon nito. Lubha lang mahaba kung tatalakayin ko pa dito.
Ang nagsampa pala ng kaso ay isang o na nagngangalang Richard Oderon na mukhang inudyukan lang ng ibang tiwaling kawani at opisyal ng naturang tanggapan sa pakikipagsabwatan sa mga pribadong printers at malalaking supplier ng papel na tinamaan sa paglilinis ng pamahalaan sa talamak na korupsiyon sa NPO.
Tapos, napabalitang interesado umano si Rep. Teddy Casiño na siyasatin ang kaso laban sa APO. Palagay ko naman ay matalino si Casiño para malaman ang notoriety ng NPO noon pang araw tungkol sa umano’y pagtanggap ng mga suhol sa mga pribadong printers at supplier ng
papel na gustong makopo ang pag-iimprenta ng mga security at accountable forms ng gobyerno.
Kung dapat mang mag-imbestiga ang Kongreso, marahil ay sa anggulong may kinalaman sa sinasabing katiwalian sa NPO.
Milyung-milyong piso daw ang lagayan na pinaghahatian ng mga opisyal at kawani na sangkot sa katiwalian. Ang pinakahuli ay ang napabalitang paglalaan ng pondo ng mga pribadong printers at suppliers ng paper na umaabot sa P5milyon ang toka sa bawa’t isa upang maglunsad ng isang “demolition campaign” o paninira laban sa APO, ang Presidential Communications Operations Office (PCOO) at ang Government Procurement Policy Board (GPPB).
Parehong nasa ilalim ng superbisyon ng PCOO ang APO at NPO. Ang NPO ay mayroong budget na inilaan ng Kongreso na binabayaran ng buwis ng taong bayan samantala ang APO ay wala at kailangang kumayod para tustusan ang operasyon nito.