'Natapos ang piyesta'
MAHIGPIT ang yakap ni Erna sa asawang si Lauro. Ramdam nila ang lamig ng hangin kapag ito’y tumatama sa kanilang mukha habang binabaybay nila ang kahabaan ng Barbasa lulan ng kanilang motor. Inilapit ni Erna ang bibig sa tenga ng asawa at sinabing… “Bagalan mo na lang ang pagmamaneho, pauwi na naman tayo”.
Tahimik ang buong paligid. Malayo sa ingay ng bisperas ng piyestang kanilang pinanggalingan. Tanging tunog na nagmumula sa kanilang motor ang bumabasag sa mapayapang gabi.
Sa di-kalayuan ay napansin nila ang isang pagewang-gewang na motor. Nawala bigla ang ilaw nito at inakala nila na huminto. Patuloy naman sila sa kanilang biyahe pauwi.
Bigla na lamang naramdaman ng dalawa ang pagtama ng isang matigas na bagay sa kanila mula sa kaliwa. Lalong humigpit ang yakap ni Erna sa asawa. Bumagsak sila sa kalsada.
Tumama ang ulo ni Lauro sa manibela. Napuruhan ang mata. Nahulog at deretso ang ulo sa semento. Si Erna naman ay nakaramdam ng pananakit ng katawan at ilang mga galos. Bumuhos sa kanyang katawan ang dugo mula sa ulo ng asawa.
Napansin ni Erna ang isa pang motor sa kabilang bahagi ng kalsada. Ito marahil ang bumangga sa kanila at naging sanhi ng masalimuot na aksidente.
Sinikap niyang tumawag ng tulong. Sumigaw siya nang sumigaw hanggang dumating ang mga pulis galing sa kabilang barangay. Nilapitan siya ng mga ito at tinanong tungkol sa pangyayari.
“Pwede bang dalhin n'yo muna ang asawa ko sa ospital! Baka sakaling umabot pa siyang buhay…” pagmamakaawa ni Erna.
Pagdating sa ospital ‘dead-on-arrival’ ito.
Ang nakalulungkot na pangyayaring ito ang dahilan kung bakit nagsadya sa aming tanggapan si Heiler Yumen, 31 taong gulang ng Antique. Si Heiler ay anak ng mag-asawang Lauro at Erna Yumen.
Isang Overseas Filipino Worker (OFW) sa Africa si Heiler. Nagtatrabaho siya bilang ‘electrician’. Anim na beses na siyang nagpabalik-balik sa Africa.
Tatlo silang magkakapatid na pawang nakatapos ng pag-aaral. Itinaguyod sila ni Lauro sa kinikita nito bilang ‘electrician’ at kagawad ng Barangay Tibiao. Pamilyado na silang lahat at ang bunsong si Loraine ang kasama ng mga ito.
Nalaman ni Heiler ang sinapit ng kanyang mga magulang mula sa kapatid. Umuwi siya sa Pilipinas noong ika-16 ng Mayo.
Kwento ni Heiler, noong ika-4 ng Mayo ng taong ito, naimbitahan ang kanyang mga magulang sa bisperas ng piyesta sa Barbasa. Kasama ni Lauro at Erna ang iba pang kagawad ng Tibiao.
Kainan at inuman ang dinatnan nila sa Barbasa. Ayon kay Heiler, kwento ng kanyang ina na apat na bote lamang ang nainom ni Lauro dahil kasama siya. Hindi kasi umiinom ng alak si Erna.
Inabot sila ng madaling araw sa Barbasa. Ika-5 ng Mayo, saktong ala una ay sabay sabay na silang umuwi. Mabilis magpatakbo ng motor ang iba nilang kasama kaya naiwan si Lauro at Erna.
Tinawid nila ang tulay na nagdudugtong sa Barbasa at Tibiao. Paliko umano ang daan at dito na naganap ang aksidente. Walang ‘helmet’ ang dalawa kaya madaling binawian ng buhay si Lauro.
Ang pangalan ng lalaking bumangga sa kanila ay Patrick Necor, 26 na taong gulang, residente ng Barbasa. Galing daw ito sa isang sabungan sa Tibiao at umano’y lasing. Wala rin itong ‘helmet’.
Dinala si Patrick sa San Jose Hospital at 50-50 umano ang kalagayan nito. Inilipat din daw ito sa Iloilo.
Ayon kay Heiler, unang dumating sa pinangyarihan ng insidente ang mga pulis ng Barbasa. Lumabas sa kanilang imbestigasyon na tumatakbo sa kaliwang bahagi ng kalsada (counter flow) umano sila Erna.
“Bakit naman ganun? Kami na ang dehado, may lisensya at rehistrado, kami pa ang mali. Yung isa walang rehistro, walang ilaw at kaskasero pa. Yun pa ang tama!” reklamo ni Heiler.
Pareho lang ang lumabas sa imbestigasyon ng mga pulis sa Tibiao. Ibinase daw nila ito sa mga kayas ng gulong sa kalye. Ayon naman kay Heiler, tanging gulong lang ng motor ni Patrick ang nasira. Habang ang motor ng kanyang ama ay wasak ang buong kaliwang bahagi.
Ang iniisip nilang dahilan na ang pagiging pamangkin ng vice mayor ng Barbasa ni Patrick kaya umano ito pinaburan.
“Hindi tama ang ginagawa nila. Yun pa nga lang hindi nila pagdadala sa ospital kay tatay, kaduda-duda na” sabi ni Heiler.
Inilibing si Lauro noong ika-21 ng Mayo, 2011. Tanging balita lamang nila ay buhay itong si Patrick.
Nagpunta si Heiler sa presinto upang magsampa ng demanda. Hindi umano siya inasikaso ng mga pulis. Sinabihan pa siya na “buti nga yung inyo patay na. Yung sa kabila buhay pa at kailangan pa ng pera”.
“Hindi ako papayag na hindi mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng tatay. Kung hindi ko maaasahan ang mga pulis sa amin, maghahanap ako ng ibang malalapitan” paninindigan ni Heiler.
Itinampok namin sa CALVENTO FILES sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (tuwing 3:00-4:00 ng hapon) ang problema ni Heiler.
Bilang tulong, ini-‘refer’ namin siya sa Provincial Commander ng Antique na si Police Senior Superintendent Ruperpo Floro Jr. para magsagawa ng isang ‘re-investigation’.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, kung kinakailangan ng ‘re-investigation’ sa naganap na insidente ay maaring gawin yan. Tungkol naman sa mga pulis na hindi agad inasikaso si Lauro na madala sa ospital, maaring kunin ni Heiler ang pangalan ng mga ito para maireklamo sa Provincial Commander ng Antique.
Minsan ko pang sasabihin na ang motorsiklo bilang uri ng transportasyon, para sa akin ay lubhang napakapanganib. Dadalawa lang ang gulong nito, ni wala nga kayong suot na helmet. Kahit na anong ingat ninyo, kapag isang barumbadong driver ang nakaharap ninyo siguradong sesemplang kayo, tatalsik at magtatamo ng iba’t ibang bali sa inyong buto at katawan.
Kung hindi naman maiiwasan na gumamit ng motor, hindi lamang dobleng pag-iingat ang kailangan kundi sampung beses na pag-iingat ang kailangan mong gawin. Para sa akin mas gugustuhin ko pang sumakay sa isang jeepney o bus na pampubliko kaysa magmaneho ng motor. Komportable ka na, kahit paano protektado ka sa ano mang aksidente dahil sa mga bakal at lata ang nakapaligid sayo.
(KINALAP NI JONNA DAMIAN)
Ang aming programa sa radyo ay bukas sa anumang talakayan para sa mga complainants na walang kakayahang magpunta sa aming tanggapan. I-text n'yo lamang sa mga numerong 09213263166 o sa 09198972854 at sasagutin namin on-air ang inyong problema.
Ang landline ay 6387285 at ang aming 24/7 hotline 7104038. Maari din kayo magpunta sa 5th floor CityState Center bldg., Shaw Blvd., Pasig City mula Lunes-Sabado.
* * *
Email address: [email protected]
- Latest
- Trending