TAONG 1947 nang madiskubre ng isang Pilipinong negosyanteng si Tomas Cloma ang isang kumpol ng mga pulo sa South China Sea na ngayo’y tinatawag nating Spratly Group of Islands. Mainit ngayon ang usapin sa paghahari-harian ng Tsina na mistulang ito na ang may ari sa Spratly Islands.
Suriin natin kung may “k” ang Pilipinas na angkinin ang grupo ng mga pulong ito na hinahabol din ng marami pang bansang Asyano. Palibhasa, malaking source ng yaman ang kapuluan. Wika nga “oil and mineral rich” kasi.
Si Cloma ay isang fishing trader na may ari ng mga lantsang pangisda. Ang naturang mga pulong nadiskubre ay tinawag niyang Freedomland. Ang discovery ni Cloma ang naging basehan kalaunan ng pag-angkin ng Pilipinas sa Spratly Islands. Naging batayan din ito sa posisyon ng Pilipinas sa 1982 United Nations Convention on the Law of the Seas (UNCLOS) sa pagbuo ng archipelagic doctrine.
Si Cloma ay nagbalak ding magtayo ng isang cannery doon. Nais din niyang magtayo ng pagawaan ng phospate fertilizer mula sa guano o ebak ng mga paniki na marami sa naturang mga isla.
May 11, 1956 nang pormal na angkinin ni Cloma, kasama ng 40 tauhan ang mga isla na may layong 380 milya sa dulong-timog ng Palawan. Gumawa siya ng mga karatula na umaangkin sa tinawag niyang Freedomland.
Ipinaskel ang mga karatula sa bawat isla roon at inabisuhan pati ang Department of Foreign Affairs sa kaniyang territorial claim. Ang gusto ni Cloma ay magkaroon
ng sariling gobyerno at kasarinlan sa naturang grupo ng mga isla. Natural, nagalit sa ganoong panukala ang ilang kalapit na bansa kasama na ang Taiwan. Pati Pilipinas ay nakainitan tuloy siya porke ibig magtayo ng sariling republika.
Noong 1970, ipinakulong ni Presidente Marcos si Cloma na napilitang isuko sa pamahalaan ang kanyang pag-angkin sa kapuluan na hangga ngayo’y ipinaglalaban natin sa harap ng komunidad ng mga bansa. Kung ako ang tatanungin, mag-usap-usap na lang ang bawat bansang may claim sa Spratlys at gamitin ang kapuluan para sa pakinabang ng bawat isang bansang naghahabol. Kung hindi, baka maging dahilan pa iyan ng giyera.