Pangalawa na, o numero uno na?
BAKA magbago na ang rank ng Pilipinas sa listahan ng mga bansang peligroso para sa mga mamamahayag. Mula sa pangatlo, baka pumangalawa na! Isang radio announcer sa Nabua, Camarines Sur ang binaril sa likod habang papasok na ng trabaho. Itinakbo sa ospital pero huli na ang lahat. Siya ang pang-apat na mamamahayag na pinatay sa taong ito. Ayon sa mga opisyal, si Romeo Olea ay nagsisiwalat ng mga anomalya sa lalawigan at nakakatanggap na siya ng mga banta sa kanyang buhay. Noong Lunes, naging totoo ang mga banta. Para sa mga otoridad, alamin nila dapat kung sinu-sino ang mga pinupuntirya ni Olea at imbistigahan kung may kinalaman sa pinaka-bagong krimen laban sa mamamahayag.
Pangatlo ang Pilipinas na pinaka-peligrosong bansa para sa mga mamamahayag, una ang Iraq at ikalawa ang Somalia. Sa totoo lang, dapat nasa numero uno na siguro tayo dahil ang Iraq at Somalia ay mga bansa kung saan tila wala pang maayos na gobyerno at batas, may insureksyon pa! Dito sa atin, malaya, pangkalahatang mapayapa naman, at ang insureksyon ay nasa ilang bahagi ng Mindanao lamang. Pero dahil sa pagpatay sa ilang mga mamamahayag sa Maguindanao massacre, nalagay na rin tayo sa nakakahiyang listahan. Sa pinaka-bagong pagpatay sa isang komentarista, tila wala pang tigil ang peligro para sa mga kasama sa hanapbuhay.
Ito naman ay dapat bigyan ng pansin at aksyon ng gobyerno. Hindi pwedeng pigilin ang kalayaan ng mamamahayag, lalo na kung maganda naman ang ginagawa para sa bansa. Hindi pwedeng matakot ang mga mamamahayag at komentarista sa mga pangyayaring ganito, kung saan pinatatahimik ang kanilang mga boses ng mga kriminal ng bansa. Ganun ang ginagawa sa isang bayan na hindi malaya. Malaya nga ang mamamayan at malakas naman ang demokrasya, lalo na sa administrasyong ito. Pero krimen naman ang unti-unting umiiral. Dapat lang mahuli at maparusahan ng katumbas ang mga nasa likod ng pagpapatay sa mga mamamahayag, para magsilbing halimbawa at babala na rin sa mga gustong mapatahimik ang mga boses ng kalayaan at kabutihan!
- Latest
- Trending