China nag-aasal imperyalista na

PASUNGIT nang pasungit ang pananalita ng China sa Pilipinas. Nu’ng Miyerkoles binalaan tayo ng foreign mi-nistry nila na huwag kumilos sa Spratlys na makakasira sa relasyon ng dalawang bansa. Huwebes, binawalan tayo ni Chinese Ambassador Liu Jianchao na mag-explore ng langis sa South China Sea na pag-aari umano nila. Lahat ito’y makalipas ang anim na panghihimasok ng China sa loob ng tatlong buwan sa teritoryong dagat ng Pilipinas: sa Reed Bank at Kalayaan Islands. Pinahagingan pa ng kanyon ng navy ship nila ang tatlong bangka ng mga Pilipinong mangingisda.

Ang pananaw ng China sa South China Sea ay pa­rang turing ng ancient Romans sa Mediterranean: Mare nostrum, dagat natin. Inangkin ng Romans ang karagatan matapos masakop una ang Sicily, Sardinia at Corsica, at kasunod ang Iberia at Egypt. Nang mabuo ang Italy nu’ng dekada-1860 iginiit ng mga umuusbong na pasista na muli nilang ariin ang Mediterranean bilang eredero ng Roman Empire. At ginawa nga ito ni diktador Mussolini nu’ng dekada-1930 para manakop ng mga bansa.

Gan’un din ngayon ang China sa South China Sea. Simula’t sapol umano ay pinapatrolya na ng Chinese Empire ang karagatan. Sakop nito ang dalawang pulo-pulo: Paracels sa gilid ng Vietnam, at Spratlys sa gilid ng Pilipinas. Inaari nila ang 1.7 milyon ng kabuoang 3.5 mil-yong ektarya ng karagatan, bagamat umaabot ito sa mga pampang ng iba pang Spratly claimants: Pilipinas, Vietnam, Malaysia, Brunei, at Taiwan. Naglabas kamakailan ng mapa ang isang Chinese official na sinasakop nilang bahagi ng South China Sea pati ang Sulu Sea —sa loob ng Pilipinas, sa pagitan ng Palawan at Zamboanga pe-ninsula. Ginagamit ng China ang lakas ng militar para igiit ang kasakimang imperyalista.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@workmail.com

Show comments