Torture ng Pulis Sta.Cruz
(Huling Bahagi)
MATAPOS makapagpiyansa ang pobreng biktima na si Gary, agad itong tumakbo sa tanggapan ng Isumbong mo Kay Tulfo sa radyo upang humingi ng tulong.
Sa aming tanggapan, detalyadong ikinuwento ni Gary ang pantotorture na ginawa sa kanya ng mga pulis sa Sta. Cruz, Manila.
Dahil sa Maynila nangyari ang krimen, agad na nakapanayam namin ang Deputy for Operations ng Manila Police District (MPD) na si Col. Fidel Posadas. Siya mismo ang nag-imbita sa aming grupo upang samahan ang biktima sa kaniyang tanggapan.
Sa loob ng opisina ni Col. Posadas, isinalaysay ni Gary ang pangangastigo na ginawa sa kanya ng mga pulis Sta. Cruz sa pamamagitan ng paglublob sa timba ng tubig at pagkuryente sa buong katawan.
Ito ay malinaw na paglabag sa karapatang pantao na nakapaloob sa International Human Rights Law ayon kay Commissioner Eta Rosales ng Human Rights.
Aniya, ang torture ay gawain ng isang kriminal at ang sinumang gumagawa nito, otoridad man o hindi ay dapat nasa loob ng kulungan.
Hindi man nakilala ng biktima ang mga suspek na pulis sa pangalan at ranggo nito subalit markado raw sa kaniya ang mga mukha ng mga pulis na gumulpi at nagpahirap sa kanya.
Iprinisinta ni Col. Posadas ang photo gallery ng kanyang kapulisan upang matukoy ng biktima ang katau- han ng mga pulis na kanyang inerereklamo sa kanilang mga mukha.
Dito positibo niyang naituro ang apat na pulis na sina PO3 Oliver Cumti, PO2 Bryan Martin, PO2 Dennis Biescas at PO3 Marlon Marcos.
Agad pinatawag ang mga suspek upang magsagawa ng imbestigas-yon sa tulong na din ni P/Supt. Angel Cariaga, hepe ng Internal Affairs Service ng MPD.
Sa harap ng grupo ng Isumbong mo kay Tulfo, nagkanya-kanya ng tanggi at palusot ang mga pulis. Lahat sila mariing pinabubulaanan ang akusasyon ng biktima.
Gusto pa sanang lumusot ni PO3 Marlon Marcos, subalit nabuko siya nung sabihin niyang day-off siya ng araw na iyon dahil Linggo, samantalang Martes nangyari ang pangtotorture at nakita siya ng ama ng biktima na naroon.
Lumalabas din sa imbestigasyon ng Isumbong mo kay Tulfo na release for further investigation na ang kasong theft na isinampa kay Gary. Ibig sabihin, maaari na siyang pakawalan kahit walang piyansa.
Patuloy pa rin ang pagdinig sa korte ng mga kasong administratibo at criminal laban sa mga pulis na suspek na sina PO3 Oliver Cumti, PO2 Bryan Martin, PO2 Dennis Biescas at PO3 Marlon Marcos.
Pormal ng nakasam- pa ang kasong Administratibo laban sa apat na pulis ng Sta. Cruz, Manila sa National Police Commission o NAPOLCOM.
- Latest
- Trending