MGA kriminal ng kalikasan. Ito ang tamang tawag sa mga taong nasa likod ng illegal exportation ng seashells at black corals. At ang parusa sa mga kriminal ay kamatayan. Maski si Senate President Juan Ponce Enrile ay hindi naitago ang galit kay Li Yu Ming at asawa nitong si Olivia Lim Li, mga suspect sa illegal exportation ng black corals. Ipinaaaresto na niya ang dalawang “kriminal’’. Umano’y kinukuha ang endangered black corals at marine species sa Zamboanga City at iba pang lugar sa Mindanao. Nakumpiska ng Bureau of Customs ang tone-toneladang black corals na nagkakahalaga ng P35 million at nakapangalan kay Exequiel Navarro. Inimbitahan ng Senate committee on massive marine resources poaching si Navarro.
Kung mayroon mang dapat kumilos sa illegal na gawaing ito, walang iba kundi si Environment secretary Ramon Paje. Kapag wala siyang gagawing aksiyon sa mga “kriminal ng kalikasan” kawawa ang mamamayan at bansa. Masisira ang likas na yaman at pinagkukunan ng ikabubuhay.
Sinabi ni Paje na ang sistemang “muro-ami” ang ginagamit para kolektahin ang black corals at seashells. Ang “muro-ami” ay sistema ng pangi-ngisda kung saan ay gumagamit ng higanteng lambat at kinakadkad ang ilalim ng karagatan. Para maging matagumpay ang “muro-ami”, nagha-hire ang operator ng mga batang mahuhusay sumisid at ang mga ito ang umalalay sa lambat. Ang mga batang maninisid ay nakatatagal nang hanggang 30 minuto sa ilalim ng tubig.
Mabigat na parusa ang nararapat ilapat sa coral traders. Huwag silang patawarin. Kaila-ngang magkaroon nang matigas at matibay na paninindigan laban sa mga sumasalaula sa yaman ng karagatan. Sinisira ng mga ito ang tirahan ng mga isda at iba pang lamandagat. Huwag tantanan ang mga “kriminal”. Magtulung-tulong para sila malipol.