Hindi uubra si Calixto kay Cuaton
NAGSARAHAN ang tabakuhan sa Pasay City dahil sa bangayan ng kampo nina Mayor Tony Calixto at police chief Sr. Supt. Napoleon Cuaton. Kapag hindi agad naresolba ang sigalot na ito, ang maaapektuhan ay ang ordinaryong mamamayan. Nais din naman ni Calixto na magkalaman ang bulsa niya sa illegal gambling at sa sulsol ng mga sipsip sa paligid ay isinulong niya ang pagtayo ng City Hall detachment. Ang mga City Hall detachment kasi ay ipinabuwag ni dating NCRPO chief Director Roberto Rosales bago mag-2010 election para hindi magamit sa pulitika. Dahil panay raid ang isinagawa ng mga alipores ni Calixto, minabuti ni Cuaton na ipasara ang mga pasugalan para lahat na sila ay mawalan ng kita. Pati mga terminal ng dyip at bus at lahat ng pagkakakitaan ay ipinasara na rin ni Cuaton. Ang komentaryo tuloy na umiikot sa Pasay ay walang political will si Calixto.
Putok naman na ang negosyanteng si George del Rosario ang gumastos sa kandidatura ni Calixto. Kaya ang lahat ng pagkakitaan sa Pasay ay kay Del Rosario napunta para mabawi ang milyones niya. Ok na sana ang sitwasyon hanggang dumating sa tabi ni Calixto ang kumpare niya na si Gardie Cruz, ang natalong kandidato para sa vice mayor ng Malabon. Si Cruz at ang close associate ni Calixto na si Moti Arceo ang taga-sulsol kay Calixto para magkalaman ang bulsa niya sa illegal gambling. Isama ko na ang mga pulis na nakapaligid kay Calixto na taga-bukas at sara ng pintuan ng kotse niya na gusto ring makisawsaw. Kaya’t hayun gutom ang inabot nila lahat. Buti nga sa inyo.
Hindi malaman tuloy kung sino ba talaga ang mayor ng Pasay. Para matakpan ang kabobohan…este ang Wow Mali niya, nagpalabas ng sulat si Calixto kay Cuaton na ipasara ang illegal gambling sa Pasay City. Alam n’yo mga suki, si Cuaton ay bitbit ni del Rosario. Kaya habang walang kumukurap sa magkabilang kampo, naging katawa-tawa si Calixto sa mata ng botante niya dahil wala siyang magawa kay Del Rosario. Si Cruz naman at Arceo na halos araw-araw sa opisina ni Calixto ay nagsusunog ng kilay para malusutan ang panunuya nina Del Rosario at Cuaton. Kaya ang balita sa Pasay ngayon, papalitan na si Cuaton sa Hulyo 30. Kung sabagay, ipinakita lang ni Cuaton na may bayag siya at hindi puwedeng tapak-tapakan ni Calixto. Saludo ako kay Cuaton. Palakpak naman diyan! Abangan!
- Latest
- Trending