'Tax Credit Scam'
MAINIT na isyu na naman ngayon ang anomalya sa tax credit certificates (TCCs). Ito ang napag-usapan namin ng aking panganay na anak na si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada.
Ang TCCs, na may katapat na malaking halaga ng pera, ay insentibong rebate na ibinibigay ng pamahalaan sa mga kompanyang nag-i-import ng raw materials na ginagamit sa paggawa ng mga nagiging export product ng Pilipinas, kung saan ang naturang industriya ay nakalilikha ng mga patrabaho para sa mga Pilipino at nakatutulong sa ekonomiya. Gayunman, nagagamit umano ang sistema ng TCCs sa malaking anomalya.
Si Presidente Erap, noong kanyang termino, ang nagpasimula ng imbestigasyon sa mga iregularidad sa TCCs, at itinatag niya ang Special Presidential Task Force 156 (SPTF 156) upang busisiin ito.
Ayon sa pamahalaan, umaabot sa 1,652 TCCs na may kabuuang halagang P5.3 billion ang nagamit sa anomalya. Ang Chingkoe group of companies ang sinasabing nakaka-korner nang pinakamalaking bulto nito (533 TCCs) na umaabot sa P2.5 bilyon. Base sa reklamo, sa pamamagitan ng pakikipagsabwatan sa mga opisyal ng Department of Finance (DoF) ay nagawa ng grupo na makakuha nang napakaraming TCCs kahit para sa mga kompanya nito na hindi naman nag-i-import ng raw materials, hindi gumagawa ng export products at pati rin sa kanilang mga kompanyang matagal nang sarado.
Dahil dito, ang mga may-ari at opisyal ng nasabing grupo at mga itinuturong kasabwat nila sa DoF ay sinampahan ng plunder.
Kamakailan, ibinasura ng Sandiganbayan ang nasabing kaso.
Marami ang nagtataka kung bakit nabasura ang naturang napakalaking kaso, at lalong marami ang nagtatanong kung bakit at kung paano umiral ang ganito katinding anomalya sa sistema ng TCCs.
Ayon kay Jinggoy, kailangang magsagawa nang malalimang imbestigasyon sa Tax Credit Scam laluna’t napakalaking halaga ang nalulugi sa pamahalaan.
- Latest
- Trending