Usapang K
MADALAS ko nang naisulat ang mahiwagang pagbubulag-bulagan ng pinakamatuwid na presidente pagdating sa kanyang KKK - Kakampi, Kaklase, Kabarilan. Subalit dahil Usapang K ang titulo ng column, pag-usapan naman natin ang isa pang K na nagbabaga – K is for Kulungan.
Salamat kay Ex-Governor Leviste at kay Ex-BuCor Director Diokno, nabulgar ang kagula-gulantang na zarzuelang nagaganap sa Bilibid. Nauna na ang report ng ga-sardinas na siksikan ng mga preso, ng kawalan ng tubig at bentilasyon, ng mga nagkakahawa-hawang sakit. Mismong si Sec. De Lima ang nagkumpirma: “I tell you, congestion within NBP is quite severe. It is sub-human. I had an inspection, ocular inspection, a few days before the Leviste incident. Both medium security and maximum security excess rate is, if I’m not mistaken, more than 200% excess for occupancy rate. Talo pa po ang sardinas ang kundisyon sa isang selda.” Ang De Lima ocular inspection ay naganap nung 2nd week of May. Subalit heto lang matapos ang inspeksyon nitong June 7, ano ang natagpuan ng mga Kongresista sa pangunguna nina Cong. Pong Biazon at Magi Gunigundo? Mayroon din palang mga palasyo ng karangyaan na talo pa ang mga condominium living sa labas. Sino ang hindi mapapa-iling sa nadiskubreng mga aircon, exclusive C.R., mga DVD at paggamit ng comfort women sa loob?
Nakagigimbal ito sa maraming anggulo. Sa lahat ang mahirap masagot para sa akin ay ito — ano bang nang yayari at kung hindi pa nahuli si Leviste ay hindi pa malalaman ng lipunan ang katotohanan sa pamamalakad ng Bilibid? Ano ang mensaheng iniiwan na mismong ang No. 1 Cabinet member ni P-Noy, sa kanyang paginspeksyon noong May, ay naisahan ng nasa ilalim niya at ni hindi niya nakita ang mga pribilehiyo sa loob? Talo pa ang sardinas, aniya? Eh hindi pala niya alam na ka-hit butanding ay kasya sa kanyang aquarium!
More than 1 year nang nakaupo ang administrasyon. Kung nag-umpisa ang Bilibid scandal sa ilalim ng mga dating presidente, hindi na maikakaila na kakulangan din ng bagong nanunungkulan ang may kagagawan ng pagpatuloy na abuso. Kung hindi man kakutsaba ang mga tauhan ni P-Noy, kakulangan nila ang may kasalanan.
K is for Kulungan. Ano ba talaga? Nakakulong lang ba kayo sa inyong mga palasyo at hindi niyo nakikita ang Katotohanan?
- Latest
- Trending