Ang pakialamerang biyenan
KADALASAN, walang epekto sa conjugal partnership ang paghihiwalay ng mag-asawa maliban na lang kung naaprubahan na ito ng korte. Kaya lang, maaari rin na hingin ng babae na lusawin ng korte ang sinasabing conjugal partnership lalo at base ito sa ginawang pag-abandona sa kanya ng asawa. Naayon ito sa Art. 178 (3) New Civil Code.
Matapos ang maikling ligawan, ikinasal sina Steve at Julie sa Simbahang Katoliko sa bayan ni Steve. Pansamantalang nanirahan ang mag-asawa sa bahay ng ina ni Julie. Hindi nagtagal, nag-umpisang malagay sa ala-nganin ang kanilang pagsasama.
Ang gusto ni Steve ay bumukod sila mula sa kanyang biyenan. Ayaw naman pumayag ng ina ni Julie. Noong una, ginawa ni Steve ang lahat ng makakaya para makisama sa biyenan at pagtiisan ang pakikialam nito sa buhay nilang mag-asawa lalo at nagkaroon sila ng isang anak na lalaki. Kaya lang, bandang huli, sumuko rin siya.
Nagkasundo sina Steve at Julie na maghiwalay na lamang. Bumalik sa sariling bayan si Steve na walang trabaho at walang kapera-pera. Madalas ay umaasa na lamang siya sa tulong ng mga kamag-anak at kaibigan. Si Julie naman, dahil sa katapatan sa ina ay nakatanggap nang malaking mana at nabubuhay sa karangyaan.
Upang tuluyang maputol ang karapatan ni Steve na makinabang sa kanyang minana na siyempre ay magi-ging parte ng tinatawag na conjugal partnership, gusto ni Julie na magpetisyon sa korte upang tuluyang lusawin ang nasabing conjugal partnership, gamit ang paratang na inabandona siya ng lalaki. May pag-asa ba ang kaso niya?
WALA. Upang magamit ang depensang inabandona siya ng asawa, kailangan munang patunayan ng babae na talagang inabandona siya at hindi sila simpleng naghiwalay lamang. Ang pag-abandona ay may kasamang layunin na hindi na muling balikan ang asawa kasunod ng mahabang pagkawala na walang ibinigay na kahit anong dahilan. Kailangan din na walang anumang paraan na ginawa ang lalaki upang suportahan ang naiwang pamilya.
Sa kasong ito, ang pagka wala ni Steve ay sanhi ng problema niya sa kanyang biyenan at kahit hindi niya nagawang suportahan ang kanyang asawa at anak, wala naman naisumiteng pruweba na kaya niya itong gawin (Olaguival vs. Morada, 2027-R, Feb. 26, 1966).
- Latest
- Trending