MARAMING namatay na bangus sa mga palais-daan sa Batangas at Pangasinan. Nawalan daw ng oxygen ang mga bangus kaya namatay. Maraming sinasabing dahilan kung bakit naubusan ng oxy- gen. Dahil daw sa climate change at may nagsabing dahil sa mga illegal fishpen at may nagsabing dahil sa mga feeds na naistak sa ilalim ng tubig. Tinubuan daw ng halaman ang mga naistak na feeds at ang mga ito ang umagaw sa oxygen ng mga isda.
Anuman ang dahilan ng pagkamatay nang napakaraming bangus sa Batangas at Pangasinan, nangyari na ang lahat at wala nang magagawa pa ang lahat. Ang pinakamabuting magagawa ng mga may-ari ng palaisdaan ay siguruhing naibaon na lahat ang mga patay na bangus para hindi na makuha pa ng mga taong gustong pagkakitaan. Kung talagang malinis ang hangarin ng mga may-ari ng palaisdaan sa Batangas at Pangasinan, sila na ang mangasiwa sa pagbabaon o kaya’y pagsunog sa mga bulok na isda.
Mula nang lumutang ang mga bangus sa palaisdaan sa limang bayan sa Batangas, kataka-takang nagdagsaan ang mga bangus na botcha sa maraming palengke sa Metro Manila, particular sa Balintawak Market, Quezon City. Ang botchang bangus para hindi mahalata na double dead ay pinapahiran ng artipisyal na kulay pula ang hasang. Mayroon naman na inaalis ang mga mata ng bangus. Sa mata raw kasi madaling makikilala kung ang bangus ay bilasa na.
Noong isang araw, nasabat ng mga awtoridad ang maraming botchang bangus na galing sa Pangasinan. Patungo na umano sa mga palengke sa Maynila ang mga sasakyan na may botchang bangus nang maghinala ang mga pulis. Nang buksan ang van nakita ang mga banyera na may lamang double dead na bangus.
Kinumpiska ang mga bangus at dinala sa Crocodile Farm sa Pasay City. Ipinakain sa mga buwaya ang mga bangus. Iglap lang ay agad naubos ng mga buwaya ang mga botchang bangus. Inaresto naman ang drayber ng van.
Nauuso ang mga botcha—botchang baboy, botchang manok at ngayo’y bochang bangus. Ano pa ba ang bobotchain? Nasa panganib ang kalusugan ng mamamayan dahil sa ginagawa ng mga taong gustong kumita. Ipapahamak pa ang kapwa. Nararapat lamang na parusahan nang mabigat ang mga taong nagbebenta ng bulok na bangus o kaya’y ipakain ito sa kanila.