SA Lunes ay umpisa na ng pasok sa public school sa buong bansa. Ayon sa Department of Education (DepEd) tinatayang 25-milyong estudyante ang papasok ngayong school year (elementary at high school). At hindi pa man nag-uumpisa ang pasukan, may nakikita na agad problemang kahaharapin ang mga estudyante sa public school. Ito ay ang kakulangan sa comfort room. Ang problemang ito ay noon pa pero sa bagong tala ng DepEd, mas lalong lumubha ang problema sa kakulangan ng comfort room. Tinatayang 135,000 public school sa buong bansa ang walang comfort room. Susme, paano ang mga estudyanteng aabutan ng pagdumi at pag-ihi? Sa tabi-tabi na lang ng school sila dudumi at iihi? At paano ang mga guro?
Lubha namang kaawa-awa ang kalagayan ng mga estudyante na hanggang sa panahong ito na moderno na ang lahat ng bagay, ay wala pa ring CR ang kanilang eskuwelahan. Masyado na silang napag-iiwanan gayung ang pagtatayo ng mga CR ay hindi naman gaanong mahirap gawin. Maaaring gawin ang CR sa pagtutulungan ng mga magulang at guro. Ang pangangailangan sa CR ay hindi na dapat pang ginagawang malaking problema. Ang agarang pag-aksiyon sa problemang ito ay nararapat upang hindi naman maging kaawa-awa ang mga estudyante. Kailangan nila ng comfort room na may sapat na supply ng tubig. Hindi mahirap ang paggawa ng CR kung magtutulung-tulong.
Nababahala si DepEd secretary Armin Luistro sa problemang ito kaya naman hiniling niya sa mga sector na magsasagawa ng “Brigada Eskuwela” na isama na rin ang paggawa ng comfort na may sapat na suplay ng tubig. Maraming samahan na nagsasagawa ng “Brigada Eskuwela” sa mga probinsiya ang gumagawa ng mga school building o kaya ay nagpipintura sa mga school. Ang iba naman ay nagdo-donate ng mga upuan, blackboard at iba pang gamit. Ang iba pa ay nagdadala ng mga aklat at mga notebook para sa mga mahihirap na estudyante.
Solusyunan ang kakulangan sa CR ng mga pampublikong eskuwelahan. Kung may malinis na CR sa bawat school, maililigtas din ang mga estud-yante sa pagkakasakit. Hindi kakalat ang cholera, diarrhea at iba pang nakahahawang sakit.
Unahin ang pangangailangang ito ngayong pasukan.