(Huling Bahagi)
HINDI na hawak ng BITAG ang desisyong magmumula sa mga lumalapit sa amin kung tatanggapin nito ang areglo mula sa panig na kaniyang inirereklamo. Masakit man tanggapin, hindi namin maaaring sisihin ang biktima sa kung anuman ang personal na dahilan nito. Ganunpaman, markado na sa amin ang mga taong nagpapasilaw sa alok ng pera imbes ang prinsipyo.
Lumalabas, ginagamit lamang ang aming programa sa kanilang pansariling interes. Hindi na iniisip ‘yung mga susunod pang biktima ng nangaareglong suspek.
Hindi ko maikakaila na ganito rin ang nararamdaman ng nakatatanda kong kapatid na si Kuya Mon. Sa ipinalabas na segment nitong nakaraang Sabado sa BITAG kung saan isang pulis ang matagumpay na nahanting ng grupo ng Isumbong Mo Kay Mon Tulfo, pinayuhan ang biktima na ‘wag na ‘wag magpaareglo sa abusadong pulis na bumaril sa kaniya.
Subalit naka-abot sa kaalaman ng grupo ng Isum-bong Mo at BITAG na tinanggap ng biktima ang areglong pera kapalit ng pag-atras nito sa kaso. Hindi na namin inalam pa kung magkano ang perang kaniyang tinanggap mula sa suspek pero ayon sa biktima, kahirapan ang nagtulak sa kaniya upang gawin ito.
Nakapanlulumo lamang na matapos umabot sa National Bureau of Investigation — National Capital Region ang kasong ito at mahanap sa pamamagitan ng facebook ang inirereklamong pulis, dumaan pa ang kumprontahan, ang biktima rin pala ang susuko sa huli.
Sa puntong ito, isinasarado na ng BITAG at Isumbong mo kay Mon Tulfo ang kasong ito sa desisyon na rin ng biktima na magpaareglo. Anumang di pagkakaintindihan sa pagitan ng dalawang panig o bagong alitang mabubuo sa kanila, hindi na kami makikialam.
Subalit kung may iba pang biktimang lalapit sa aming tanggapan na inabuso at sinaktan ng inirereklamong pulis na si PO1 Nathaniel Soberano, sisiguraduhin naming tuloy-tuloy na siyang mahuhulog sa BITAG ng kalaboso.