KUNG mahigpit na naipatutupad ni Metro Manila Development Authority (MMDA) chairman Francis Tolentino ang batas sa Commonwealth Avenue para maiwasan ang mga malalagim na aksidente, maaari rin niya itong magawa sa iba pang problema ng Kalakhang Maynila. “Kamay na bakal” na ang pinatutupad ni Tolentino sa mga sutil na driver ng bus sa Commonwealth na tinaguriang “killer highway” upang wala nang maganap na aksidente gaya nang nangyari sa UP professor at mamamahayag na si Chit Estella Simbulan na binangga ng humahagibis na bus ang taksing sinasakyan noong Mayo 13. Maraming nag-ooverspeeding na bus at mga pribadong sasakyan sa Commonwealth ang hinuli na ng MMDA at pinatawan ng kaparusahan. Ipinangako ni Tolentino na maisasaayos na ang kalagayan ng “killer highway’’.
Mabuti naman at ‘‘kamay na bakal’’ na ang ginagamit ng MMDA sa mga sutil na bus drivers. Hahangangan na si MMDA chairman Francis Tolentino. At mas hahangaan siya kung hindi lamang ang mga sutil na drayber ang kanyang “sasampolan” kundi pati na rin ang mga walang disiplinang nagtatapon ng basura sa maraming lugar sa Metro Manila. Ang walang disiplinang pagtatapon ng basura ang numero unong dahilan ng pagbaha. Karaniwang itinatapon ay mga grocery at shopping bags, noodle cups, balat ng kendi, upos ng sigarilyo at marami pang basura na hindi natutunaw. Ang mga plastic ay daangtaon umano ang buhay. Ang mga basurang plastic na ito ang nagbabara sa mga daanan ng tubig.
Noong Sabado at kahapon (Linggo) ay umulan nang malakas at maraming lugar ang binaha. Sa Maceda St. Sampaloc, Manila ay agad bumaha. Sa Quezon Avenue, Sto. Domingo, QC ay bumaha rin. Sa Kamuning flyover sa EDSA ay bumaha rin na nagdulot ng trapik. Marami pang lugar ang binaha na ang dahilan ay mga tinapong basura.
Kung kayang patinuin ni Tolentino ang mga sutil na drayber, kaya ring disiplinahin ang mga nagtatapon ng basura. Ang MMDA ang naglilinis ng mga drainage at iba pang daanan ng tubig. Sila ang lagi nang sinisisi kapag nagkakaroon nang pagbaha. Maiiwasan ang problemang ito kung ang MMDA mismo ang gagawa ng hakbang. Nararapat nang gumamit ng “kamay na bakal” sa mga mahuhuling magtatapon ng basura. Hindi na uso ang pagpapatawad lalo pa’t ang kapaligiran ang nasisira.