Gunaw

Biglang lumaganap masamang nauso

na isang prediksyong tumakot sa tao;

May isang lalaki matanda na ito

ang sabi’y sasapit ang wakas ng mundo!

Nakapagtatakang ang nasabing hula

sa bansa ng US pa ito ay nagmula;

At maraming Kano biglang naniwala –

na kontra sa hangad ng Poong Bathala!

Ang nasabing hula lumikha ng takot

sa maraming tao sa maraming sulok

Bagama’t hula lang ay nagbahag-buntot!

pati mga Pinoy na sa sala’y lugmok!

Sa mga fanatics at paniwalain

ang prediksyong ito ay naging “last judgement’’;

Dahil maglalaho ang buhay na angkin

naniwala silang mundo’y gugunawin!

Dahil di naganap ang nasabing hula

nanghula na naman ang nasabing mama;

Parang Nostradamus ang kanyang ginawa –

binago ang petsang mundo’y mawawala!

Kung may pangyayaring kaiba sa ngayon

ito’y kagagawan ng bagong panahon;

Wakas ng daigdig hindi pa sang-ayon

sa gusto ng Diyos nating Panginoon!

Sa ngayo’y maraming mga pangyayari

na mga senyales ang tao’y marumi;

Patayan at krimen mga aksidente

may mga salarin at may mabubuti!

Mabuti’t masama ay nagtutunggali

pagsubok sa tao na hindi mawari;

Kung ang masasama siyang maghahari –

saka lang ang mundo ay mapapalungi!

Ang gunaw na hula maging ng scientists

magaganap lamang sa ating daigdig;

Kung iuutos na ng Diyos ng langit

at kung tayo’y di na Niya kapanalig!

Show comments