Pag-iingat, paghahanda
LUMIHIS na ang bagyong Chedeng. Salamat sa Diyos. Sa website na binuksan ko na may mga ulat at impormasyon ukol sa bagyo, pinakita ng kanilang mga computer at kalkulasyon na lilihis talaga ang bagyo at hindi tatama sa Pilipinas. Pero nag-ingat na rin nang husto ang PAGASA sa pagbibigay ng mga babala kung sakaling magbago ang direksiyon ng bagyo at direktang hagupitin ang bansa. Hindi malayo mangyari na magbago nang husto ang direksiyon ng isang bagyo, at minsan tila humihinto pa! Nabalitaan ko rin na may nagalit at “pumalpak” na naman daw ang PAGASA sa paghula kung saan dadaan ang bagyo. Lumikas daw sila para sa wala at mahirap din gawin ito. Ang masasabi ko lang, mabuti na ang mag-ingat at handa at walang nangyari, kaysa hindi handa tapos trahedya!
Kapansin-pansin nga ang EDSA ngayon na tila lumiwanag nang husto, dahil sa naka-rolyong mga billboard. Kung sakaling tumama nga ang bagyo sa Metro Manila, baka naging saranggola ang mga iyan! Maaliwalas nga naman tingnan kapag walang mga nakaharang sa tanawin ng himpapawid. Sang-ayon na rin ako na bawasan kundi liitan ang mga billboard sa lansangan. Peligro rin ang dulot kapag malalakas na hangin ang humahampas sa kanila. Nangyari na nga ito, kaya hindi ko alam kung bakit nabibigyan pa ng mga permit ang mga higanteng billboard sa mga pangunahing lansa-ngan. Ilang biyahe ng eroplano sa Bicol ang kanselado rin, bilang pag-iingat. Ang mga barko ay hindi muna pinaglayag.
Ayon sa PAGASA, marami pang bagyo ang posibleng tumama sa bansa. Napakaikli nga ng tag-init ngayong taon. Siguro naman wala na muna tayong problema sa tubig? Baka nga sobra-sobra naman!
- Latest
- Trending