TULOY ang entrada bilang Presidential Chief of Staff ni dating Senador Mar Roxas. Anang mga political analysts malamang nagdulot ito ng tension sa pagitan nina Roxas at Executive Secretary Paquito Ochoa.
Anang Pangulong Noynoy Aquino, titiyakin niyang hindi magkakaroon ng sapawan sina Roxas at Ochoa. “We are trying to clearly delineate their functions” ani P-Noy. Sana nga’y walang mangyaring bangayan kina Roxas at Ochoa. Matagal nang ibinibintang ng ilan sa Liberal Party (LP) na inilaglag umano ni Executive Secretary Paquito N. Ochoa, Jr. si Roxas (pabor kay Vice President Jojo Binay) noong nakaraang eleksiyon.
Sabi ni dating Senate president Ernesto Maceda: “Kung si Ochoa ang little president, pumupostura naman si Roxas bilang bigger president.” Mukhang pinapanigan ni Maceda si Ochoa. Aniya sa isang pahayag sa telebisyon: “The executive secretary is legally and formally the head of the Office of the President. So technically and legally, anybody who works in the Office of the President, including Mar Roxas and the private office, are under the executive secretary.”
Sinang-ayunan ni Albay Governor Joey Salceda (ang siyang chief of staff sa panahon ng panunungkulan ni dating pangulong GMA) ang naturang pahayag. Aniya “Dumadaan ako kay ES Ermita lagi. Ay, bow lang ako nang bow (kay ES Ermita).” Question: Papayag ba si Roxas na subordinate siya ni Ochoa, lalu’t isinisisi ng kanyang LP kay Ochoa ang kanyang pagkatalo dahil sa sinuportahan umano nito ang tambalang Noy-Bi?
Pansinin na hindi pa kasama sa pagsusuma si Binay (ang siya mismong dumikdik kay Roxas sa vice presidential race). Si P-Noy ang naiipit at pilit na nagbabalanse sa magewang na sitwasyon. Kamakailan lamang ay iniluklok ng Pangulo si Binay bilang Anti-Illegal Recruitment Task Force chairman. Naniniwala ang inyong lingkod na kuwalipikado si Binay sa naturang puwesto pero parang sadya yatang itinaon ang pagbibigay sa Bise Presidente ng naturang puwesto.
Bagama’t mahusay na Executive Secretary si Ochoa at hindi nagpapaapekto sa sitwasyon, kinailangan pa rin ang personal na katiyakan ng Pangulo na hindi maeetsa-puwera ang little president. Hinihingi ng taumbayan kay Roxas na unahin na muna ang Ba yan bago ang sarili at iwaksi na rin ang personal na benggansa sa mga taong higit na pinagkakatiwalaan ni P-Noy — tulad nina Ochoa at Binay.