MARAMI ang naintriga sa tensyong posibleng mamagitan kina Sen. Mar Roxas at Exec. Sec. Jojo Ochoa ngayong iisang mundo ang kanilang gagalawan. Ito’y lehitimong duda. Matapos ng isang taon ng espekulasyon tungkol sa dalawang center of power, ang Samar at ang Balay camps, sino ba ang makakatiis na hindi pag-usapan ang sapilitang pagsasama ng kinikilalang lider ng dalawang kampo?
May nagpipyesta rin sa Roxas vs. Binay fireworks. Lehitimo ring pag-usapan dahil hindi pa rin tanggap ni Roxas na si Binay ang nanalo. Mabibigay kaya niya ang kaukulang respeto kay Vice? Interesante rin pag-aralan ang mathematics ng kanilang relasyon dahil ang boss nga naman ni Roxas ay si P-Noy lang, hindi si Jojo. Teka-teka, bakit mahilig umaway ng Jojo si Senador?
Ngunit para sa akin, ang dapat obserbahan nang malapit ay ang relasyong P-Noy-Roxas. Napupulaan ngayon ang tila malamyang estilo ng pamumuno ng presidente. Natawag ngang tamad ng iba. At sa katatapos na Diokno-Leviste scandal sa Munti, muling lumutang ang double standard ng presidente kapag ang mga iniupong matalik niyang kaibigan ang pinag-uusapan. Double standard dahil (1) pagkakaibigan at hindi galing at talino ang pinairal; at (2) ayaw kumilos ng presidente upang sila’y panagutin agad di tulad, halimbawa, ng tulin ng aksyon kay Prisco Nilo ng PAGASA at ng minandong impeachment vote kay Merci sa House. Nakita na itong Presidential tigas ng ulo sa kaso nina Usec. Rico Puno sa Luneta hostage crisis at kay LTO Chief Virginia Torres. Naku, hindi pwede kay Roxas ang ganyan!
Si Roxas ay kilalang workaholic at propesyonal magtrabaho. Mabilis umaksyon, hindi sanay sa teka-teka. Kung maibahagi sana niya ang galing at talino sa working habits ng presidente, magiging maganda para sa lahat.
Posibleng sumabog sa mukha ni P-Noy ang latest niyang galaw kay Roxas. Subalit kabilang tayo sa umaasa na magiging maayos ang impluwensya ng senador. Isang taon na ang dumaan at parang hindi pa napipinta nang malinaw ang personalidad ng administrasyon. Tuloy, ang impresyong nakukuha ay mahina ito. Delikado ang ganitong impresyon lalo na sa mga panahon na ang ibang mga bansa ay nagpapahiwatig na kanya-kanyang lakas tulad halimbawa sa Spratlys negotiations.
Patunayan sana ni Roxas na siya ang reseta upang mapa-ngatawanan ng administrasyong ito ang ipinangakong tuwid na daan.