Sugalan sa Marikina
TUMITIYEMPO lang si Konsehal Elmer Nepomuceno para iparating na muli sa city council ang pasugalan sa Marikina City. Hindi naman basta-basta magsasalita lang si Nepomuceno sa sesyon ng city council dahil marami rin sa kanyang mga kasamahan ang nakapila. Pero ayon kay Nepomuceno, bilang na ang mga araw ng lotteng at jueteng sa Marikina. Kahit hindi pa kumikilos si EPD director Chief Supt. Francisco Manalo. Wala namang maaasahan kay Sr. Supt. Gabriel Lopez dahil bulsa niya ang kanyang inuuna at hindi ang public service na kanyang sinumpaan. Sana inuna ni Lopez na resolbahin ang nakawan sa mga pawnshop at riding in tandem at hindi pasugalan ang kanyang inaatupag.
Laganap ang jueteng ni Tony Santos at lotteng ni Don Ramon sa Marikina. Hindi naman ako nagtataka dahil si Santos ay pugad ang Marikina samantalang si Don Ramon ay dayo lang. Kaya naiintindihan ko kung hindi gagalawin ni Lopez si Santos dahil may ugat na siya sa Marikina.
Pero bakit tahimik si Manalo sa jueteng ni Tony Santos hindi lang sa Marikina kundi maging sa Pasig, San Juan at Mandaluyong? Kung sabagay, nagtayo pa ng bagong unit na District Special Operations Unit (DSOU) si Manalo hindi para masawata ang jueteng kundi para madagdagan ang lingguhang tong collection niya? Halos isang buwan na sa puwesto si DSOU chief Supt. Elmer Cereno subalit hanggang sa nga-yon wala pang maipakitang accomplishment. Panay usap lang sa mga gambling lords at beerhouse owners?
Pero ayon naman sa mga kasamahan ko sa hanapbuhay sa EPD, may accomplishment naman si Cereno at ‘yon ay ang mag-ayos ng parking sa harap ng EPD annex building sa Meralco Ave. Tatlo kasi ang sasakyan ni Manalo na naka-park sa EPD annex bldg. at sinisiguro ni Cereno na walang makapag-park dito. Kasama na ang sasakyan ni Cereno kaya’t apat na ang parking area na sakop nilang mag-amo. O di ba malaking accomplishment ‘yan para kay Manalo at Cereno? Kaya apektado ang mga ordinaryong pulis at mediamen sa magandang accomplishment nina Manalo at Cereno. He-he-he…Parking lang pala ang alam ni Cereno. Abangan!
- Latest
- Trending