EDITORYAL - Bureau of (In)Corrections
NARARAPAT na may gumulong na ulo sa Bureau of Corrections (BuCor). Kapag walang nasibak na opisyal sa nasabing tanggapan, mauulit lamang ang mga nangyayaring pag-abuso ng mga mayayamang bilanggo sa National Bilibid Prisons (NBP). Mababalewala ang mga imbestigasyon na isinasagawa ng Department of Justice (DOJ) sa pagpuga o pagpuslit ni dating Batangas governor Antonio Leviste sa bilangguan. Inaamin naman ni Leviste ang paglabas sa piitan. Ginawa raw niya ang paglabas sa piitan nang nakakotse at may drayber pa dahil sa pagsakit ng kanyang ngipin. Sa Makati umano siya magpapagamot ng ngipin. Dinakip siya ng NBI habang nasa bisinidad ng kanyang pag-aaring gusali sa Makati. Wala raw kasalanan ang ibang tao sa kanyang paglabas. Inaangkin niya ang pagkakasala at kung gusto raw ay bitayin na lang siya.
Kahit pa angkinin na lahat ni Leviste ang pagkakasala, hindi naman tanga ang mamamayan na maaari siyang makalabas sa piitan na siya lamang at wala nang nakaaalam pa. Unang-una nang dapat sibakin ay ang hepe ng BuCor sapagkat siya ang may responsibilidad sa lahat ng nangyayari sa piitan. Pero nag-leave lamang si BuCor Director Ernesto Diokno. Hindi raw siya magbibitiw sapagkat hindi naman siya guilty. Si President Aquino ang naglagay kay Diokno sa puwesto noong nakaraang taon.
Dapat ding sibakin ang guwardiya na si Fortunato Justo. Ang mga katulad niya ay hindi dapat magtrabaho sa NBP sapagkat maraming bilanggo ang makakalabas kapag siya ang guwardiya. Mada-ling matakasan si Justo at maaaring hindi iyon ang unang pagkakataon na nakalusot sa kanyang pagbabantay si Leviste.
Umaalingasaw ang katiwalian sa BuCor kaya nararapat na magkaroon na kamaong asero si President Aquino sa tanggapan. Bigwasan niya ang mga tiwaling opisyal sa BuCor na ayon sa report ng Channel 2 ay nakikinabang sa cut ng pondo para sa pagkain ng inmates. Singkuwenta pesos umano ang budget para sa inmates, subalit ngayon ay P45.00 na lamang. Sa liit ng allowance, halos kapiranggot na lamang ang kanilang kinakain. Umano’y kumikita ng milyong piso buwan-buwan ang mga opisyal ng BuCor. Ayon pa sa report, kailangang magbayad ang contractor para lamang makapasok sa pagsusuplay ng pagkain.
Tuluyan nang puksain ang mga korap sa BuCor. Kapag hindi pa ito pinagtuunan ng pansin, marami pang anomalya ang sisingaw. Huwag nang ipagpabukas pa ang pag-iimbestiga sa BuCor officials.
- Latest
- Trending