Kasunduan
NAGKASUNDO ang Pilipinas at China, sa pamamagitan ng mga nagpulong na kinatawan, na walang magsisimula o kikilos ng alanganin na puwedeng pagmulan ng tensiyon sa pinaglalabanan na Spratly Islands. Sa madaling salita, nagkasundo ang dalawang bansa na huwag kumilos na tila inaangkin na ang Spratlys. Bumisita ang katumbas na kalihim ng National Defense ng China kailan lang sa bansa, kaya pinagsamantalahan ang pagkakataong magpulong ang mga kalihim hinggil sa Spratlys. Noong Marso, nagreklamo ang Pilipinas sa United Nations na binulabog ng ilang bangka ng China ang isang exploration vessel ng Pilipinas habang nagsisigawa ng mga pagsusukat sa nasabing lugar. At noong isang linggo, dalawang hindi matiyak na eroplano ang lumipad sa paligid ng Spratlys. Hindi matiyak kung saang bansa galing dahil hindi ma-identify. Dapat siguro may katulad ng mga kilala kong sibilyan na kahit anong pandigmaang eroplano ay kayang pangalanan sa hugis lang, pagkatapos puwede nang hulaan kung kanino ang mga ito dahil alam rin kung sinu-sino ang mga meron!
Sigurado ako na tayo ang nakahinga sa kasunduang ito. Ayon sa ilang mga senador, pati na rin sa akin, ano naman ang laban natin kung sakaling magkasubukan nga sa Spratly Islands? Kung sandatahang lakas ang pag-uusapan, walang-wala tayong laban sa China. Sa totoo nga, wala tayong laban sa lahat ng bansang umaangkin sa Spratlys, kung militar lang ang pag-uusapan! Ganun kakawawa ang AFP. Dahil ito sa kapabayaan at korapsyon! Kaya diplomasya ang kinakailangan, wala nang ibang paraan na mapagpipilian. Ayon kay Senate President Juan Ponce Enrile, panahon na talaga para palakasin ang lahat ng sangay ng AFP, dahil masyado na raw matagal tayong kawawa sa rehiyon. Dapat palakihin ang budget ng militar, para makamit muli ang respeto ng ibang bansa katulad ng mga dekada singkuwenta at sisenta.
Ang Bangladesh ay isang halimbawa ng mahirap na bansa pero malakas ang hukbong sandatahan. Maraming mahihirap sa Bangladesh, pero kung titingnan mo ang kanilang militar, partikular ang kanilang hukbong himpapawid, puro mga modelong eroplanong pandigma ang gamit. Ito’y isang bansa na halos walang mga atletang pinadadala sa mga palarong pandaigdig, pero matindi kung gumastos sa kanilang militar. May kalaban kasing malapit kaya ganito sila naghahanda kung sakaling maulit ang naganap na digmaan sa pagitan nila. Tayo, wala naman talagang kaaway na bansa. Sa ngayon wala. Dahil sa Spratlys, baka magkaroon na!
Pero paano nga naman magagawa ang pagmoderno ng AFP kung may mga Garcia, Ligot at kung sinu-sino pa diyan na hindi pa nahuhuling mga mandarambong na sundalo? Imbis sa sundalo at kanilang kagamitan, sa mga bulsa at walang katuturang kapritso ng mga anak nila!
- Latest
- Trending