RU4RH

TAMA lang na dumadalas at dumadami ang debate tungkol sa panukalang Reproductive Health (RH) Bill. Para sa isang usaping nakakapagpaapoy sa damdamin, dapat lang na ang mga argumento ay batay sa tamang impormas­yon. Maaring ang desisyon ng bawat isa ay humantong sa hamon sa pananampalataya. Bago uma­bot sa puntong iyon ay sana naman nalagpasan na ang anumang duda sa kung ano ang katotohanan.

Maging sa mga inspiradong kabataan na nag-aaply na pumasok sa College of Law ng PLM, halos lahat ay may kinikilingan nang posisyon sa RH Bill. Subalit nang hilinging ipaliwanag ang kanilang paniwala, natuklasang halos lahat ay walang pinanghahawakang datos upang masuportahan ang argumento.

Sa mga usaping tulad nito – kung saan may napaka-laking impact ang desisyon ng pamahalaan sa tinatayang kinabukasan ng ating lipunan at kultura – ang bawat isa sa atin ay may pinuhunan. Hindi lamang ang kalusugan ng ina’t sanggol ang nakataya, ang kinabukasan mismo ng lahat ang maapektuhan sa kalalabasan ng debate.

Makialam tayo at makaalam nang masisigurong ang boto natin ay hindi bunga ng emosyon, hindi ipinagpilitan at, higit sa lahat, hindi natin pagsisisihan sa huli.

Maraming isyu ang pinagtatalunan – ilan lamang ang (1) contraceptive use; (2) paggamit ng pondo ng gobyerno; (3) abortion; (4) sex education. Maaring may pagtutol sa isa pero pwedeng pabor ka rin sa iba. Huwag matakot na pag-aralan ang hindi naiintindihan. At huwag ding mabigla sa dami ng bagay na pinagtatalunan. Isa isahin ang kontrobersyal na probisyon at sa ganoong paraan ay lilinaw ang pag-unawa.

Sa isang demokrasya, ang pinakamahalaga ay ang malayang pagpapalit ng opinyon upang masiguro na ang pagpasiya ay ayon sa nakabubuti sa nakararami. May mga usapin tulad ng RH Bill na may potensyal na magdala ng malalim na hiwa sa ating pagkaisa bilang bansa. Huwag lamang itong hayaang lumala at mabiktima ang ating kapasidad na makinig sa kontra posisyon. May matatalo sa isyu na ito – may masasaktan. Subalit ganoon talaga ang demokrasya. Sa huli, ang desisyon ng nakararami ay ituturing na desisyon nating lahat.

Show comments