MARAMING reklamo at sumbong ang natatanggap ng BITAG at ISUMBONG MO KAY TULFO! sa radyo hinggil sa mga recruitment at placement agency.
Ito yung mga agency na karaniwang naniningil ng mga placement fees at kung anu-ano pa kasabay ng pangakong mapapaalis nila ng bansa, ang siste, hindi nakakaalis ang kawawang biktima.
Kadalasan, wala pa itong mga lisensya at di rehistrado sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA).
Ang masahol pa rito, ni walang opisina o tanggapan para sa mga aplikante. Sa mga fast food chains o sa bahay lang nangyayari ang bayaran at pirmahan.
Isang grupo ang lumapit sa tanggapan ng Isumbong Mo kay Tulfo sa radyo, inerereklamo nila ang Lucky International Placement Services Inc. sa Malate, Manila.
Ang kaibahan dito, may lisensya ang naturang ahensya.
Matagal na umano silang nag-aaply sa naturang ahensya subalit hanggang ngayon di pa rin sila nakaka-alis.
Ang trabahong kanilang papasukan, mga factory workers sa Taiwan. Nakapagbayad na umano sila ng P150,000 bawat isa bilang placement fee.
Ayon sa POEA, katumbas dapat ng isang buwang sahod ang placement fee na sisingilin sa isang aplikante, depende pa sa bansang pagta-trabahuhan nito.
Sa pakikipanayam ni Mon Tulfo sa POEA, tinatawag na “special market” ang bansang Taiwan ngunit sobra-sobra umano ang P150,000 na placement fee bilang factory worker na sinisingil ng Lucky International Placement Services Inc.
Dahil sa pagmamatigas ng Lucky International Placement Services Inc. na ibalik ang perang nakolekta sa mga biktima, pinayuhan ng POEA ang mga biktima na magsadya na lamang sa kanilang tanggapan upang personal na magreklamo.
Paalala ng POEA sa mga kababayan nating gustong magtrabaho sa ibang bansa, kailangang rehistrado ang agency at siguraduhing may job order ang bansang inyong aaplayan.
Alamin din kung magkano ang kaukulang placement fee, depende sa bansang pupuntahan. Kinakailangan din ng Overseas Employment certificate, ito ang kahuli-hulihang dokumentong kailangan ng isang Pilipino na gustong magtrabaho sa ibang bansa.
O di naman kaya personal na magtungo sa tanggapan ng POEA upang malaman ang karagdagang impormasyon para maiwasan na mabitag ng mga kolokoy na recruitment at placement agencies.