Very Important 'Preso'
MATAGAL nang sakit sa ating mga bilangguan na ang mga high profile prisoners ay nabibigyan ng espesyal na pagtrato sa loob ng selda.
Nagbakasyon si Bureau of Corrections (BUCOR) chief Ernesto Diokno dahil nabisto na ang dating gobernador ng Batangas na si Antonio Leviste ay malayang nakakalabas-masok sa piitan. Alam natin kung sino si Leviste. Isang beteranong politiko, mayaman at maimpluwensya. Siya ay nakapiit sa salang pagpatay. Hindi kapanipaniwala ang pahayag niya na walang sino mang tauhan o opisyal ng bilangguan ang kakutsaba niya sa super-espesyal na trato sa kanya. Very Important Prisoner (VIP).
Hindi na matatawag nang ganyang siste sa New Bilibid Prisons pero hindi napag-uukulan ng atensyon gaya ngayon. Hindi nga ba nang nakapiit pa si dating Rep. Romy Jalosjos ay napabalitang mayroon pa siyang hamburger stand sa loob at nakatira sa isang magandang cottage? Ang hindi ko lang nabalitaang namumuhay nang marangya sa loob ay si dating Calauan Mayor Antonio Sanchez. Pati si Rolito Go ay sinasabing nakalalabas-masok din sa bilangguan at kabilang sa mga sinasabing may espesyal na pribilehiyo.
Napabalita rin noon na may ilang high profile criminals na nagmamantini ng pagawaan ng shabu sa piitan. Grabeh!
Sa kaso ni Leviste, kung hindi pa minanmanan ng ABS-CBN ang kanyang paglalamyerda sa labas ng bilangguan ay hindi pa puputok ito bilang malaking isyu.
Sabihin man ni Leviste na wala siyang planong tumakas, ang punto ay para siyang namumuhay na hindi bilanggo. Kaya nga ikinulong ang isang convicted criminal ay para parusahan. Ang lagay ba naman porke may impluwensya at salapi ang isang preso ay maaari nang magtamo na espesyal na trato na hindi tinatamasa ng ibang mahihirap na preso na tinutubuan ng pigsa at kung anu-anong sakit dahil sa hindi magandang kondisyon ng kulungan?
The bottomline is corruption. Kaya sa ginagawang imbestigasyon ngayon ng DOJ, dapat may managot. Hindi lang masibak sa tungkulin kundi maipagsakdal dahil sa pakikipagkutsaba sa mga bilanggo kapalit nang kung ano.
Sersyosohin nawa ng administrasyong Aquino ang isyung ito at magpatupad ng reporma sa bilangguan para tiyaking naisisilbi ang hustisya sa mga dapat managot dahil sa ano mang kaso.
- Latest
- Trending