Nag-leave of absence na si BuCor Director Ernesto Diokno, para magkaroon ng malayang paghawak ang DOJ sa gagawing imbistigasyon sa laganap na VIP treatment na natatanggap ng mga mayayamang bilanggo sa New Bilibid Prison (NBP). Tama lang naman na ginawa niya iyon. Kung wala talaga siyang ginawang pagkakamali hinggil sa natuklasang sistema, walang hadlang sa kanyang pagbalik sa trabaho.
Pero si Leviste naman ang mismong binabaril na yata ang kanyang sarili sa paa. Ayon sa kanya, binigyan siya ng “living-out” status ng dating President Arroyo dahil sa kanyang “good conduct” at serbisyo sa Bilibid. Dalawang taon na raw ang nakakaraan nang mabilango siya, at sa loob ng panahong iyon, mabait na bilanggo naman daw siya at nakatulong sa comunidad sa loob ng Bilibid. Nagpagawa raw siya ng mosque, ng park at nag-sponsor ng mga medics at dental missions sa loob. Kaya may karapatan daw siyang lumabas kahit kailan niya gusto, kahit wala nang paalam. Lumabas ng Bilibid. Ganun ba? Nakulong ka pa! Kung hindi pala siya nagpagawa ng moske, ng park, nagbigay ng mga dental at medical mission, makakalabas ba siya?
Anong pinagkaiba ng mahirap at mayaman na bilanggo sa NBP? Di ba dapat pare-pareho lang silang lahat? Pare-parehong mga kriminal na nagbabayad sa lipunan para sa kanilang mga kasalanan? Ano ba ang ibig sabihin ng mabilanggo? Ano ba ang ibig sabihin ng parusa? Walang nakalagay na pwede na lang lumabas ng bilangguan, nang walang paalam, kahit kailan! Ni escort na guwardiya wala, personal na drayber lang ang kasama! Kasama sa pagiging bilanggo ay ang pagtanggal ng mga kalayaan na na-eenjoy noong malayang mamamayan pa!
Ngayong nag-LOA na muna si Diokno, dapat lang imbestigahan nang husto ang NBP. Pero sa tingin ko hindi na kailangan ang imbistigasyon kundi aksyon na. Ano pa ang iimbistigahin kung may nahuli na nga? Bukas na sekreto ang VIP treatment sa mga mayaman. At makukuha lang ang ganyang klaseng pagtrato kapag may pera, kapag may impluwensiya. Dapat lang ma-overhaul ang sistema sa NBP. Dapat lang palitan na lahat ng tauhan, lalo na mga guwardiya. Dapat wala nang pabor na pagtrato dahil nakapagbigay lamang ng ganito o ganun sa NBP. Hindi ba indirect bribery na rin iyon? Mabuti na rin at lumabas na ang kabulukan sa NBP. Di ko maisip ang pakiramdam ng mga kamag-anak ng mga biktima kapag nalamang nakakalabas pala ang pumatay sa kanilang minamahal sa buhay. Palitan na ang buong sistema!