NAHIRAPANG maipaliwanag ni “whistle blower” Noel “Jun” Lozada ang kanyang diumano’y hindi pakikialam sa maanomalyang paggamit ng milyun-milyong proyekto ng pamahalaan na kanyang pinangasiwaan noong siya pa ang “personal technical adviser” ni dating NEDA Director-General Romulo Neri. Sa ginanap na pagdinig sa Anti-Graft Case sa Sandiganbayan ni dating Comelec Chairman Benjamin S. Abalos, sinagot ni Lozada ang mga katanungang ibinato ng abogado ni Abalos na si Atty. Gabriel Villareal at inaming may nalalaman di umano siya sa mga ma-anomalyang proyekto ng Philippine Postal Service, South Rail Project at Philippine Forest Corporation na kanya umanong pinamunuan noong 2006 hanggang 2008.
Sa naturang pagdinig, ipiniresenta ni Lozada ang sarili bilang isang Communications and Electronics Engineer na may malawak na kaalaman at karanasan sa mga proyektong pinamuhunanan ng gobyerno. Inamin ni Lozada na wala siyang ginawa bukod sa pag ulat kay Neri -- na umano’y kanyang malapit na kaibigan, ang patungkol sa $70 milyong na over-priced South rail Project. Si Lozada, ay testigo laban kay Abalos sa kontrobersiyal na ZTE deal ng gobyerno. Lumalabas na pinipili lang niya ang katiwalian sa gobyerno na ibubunyag niya. Dahil malapit kay Neri, inamin din ni Lozada ang kanyang pagpayag na maitabi ang P14-milyong pondo ng Philippine Forest Corporation na ayon sa kanyang disposisyon bilang kaibigan nito. Ang naturang alokasyon ay bahagi ng P19 milyong pondo na kinuha ng PFC mula sa NEDA, na diumano’y P5 milyon lamang ang nagamit.
Napag-alaman sa nasabing pagdinig na si Lozada ay kasalukuyang nahaharap sa mga kasong katiwalian sa Ombudsman patungkol sa mga anomalyang kinasasangkutan niya bilang dating presidente ng PFC. Ilan sa mga alegasyong ito ang personal na transaksiyon ni Lozada sa pagkuha ng life insurance policy commission mula sa isang pribadong ahensiyang pinangangasiwaan ng kanyang asawa na dapat sana’y mula sa GSIS. Kasunod nito ang pagpili at pag-aaward ng 50 ektaryang Reforestation Project Contract ng PFC sa kapatid, pamangkin at iba pang mga kaanak ni Lozada. Napag alaman na hindi dumaan sa bidding process ang P15-milyon I.T. Contract ng naturang proyekto.
Inamin din ni Lozada na siya ang nagsulong ng ZTE- Joey de Venecia partnership upang ipatupad ang NBN Project na maggagarantiya sa ZTE ng $65 milyon na margin na ayon sa kanya ay kalahati lamang ng presyo at mas mainam kumpara sa inaalok ni Abalos. Ayon pa kay Lozada, ang P65 milyon ay nakapaloob pa sa kanyang “permissible zone of morality” noong siya ay tanungin ng mga mahistrado kung ano ang kanyang magiging katayuan patungkol sa nagawang katiwalian. Kung magpapatuloy ang pagkasira ng kredibilidad ng mga testigo ng prosekusyon ayon sa mga tagamasid, nakikinita ang malaking posibilidad ng pagbasura sa kasong inihain kay Abalos. Abangan!