EDITORYAL - Huwag lang 'killer highway' ang tutukan
NAKAKATAWA itong Metro Manila Development Authority (MMDA), masyado silang nakatutok ngayon sa Commonwealth Avenue kaya naman tila napapabayaan ang ibang kalsada sa Metro Manila. Mula nang mabangga ng isang humahagibis na bus ang UP professor at journalist na si Chit Estella Simbulan, marami nang MMDA traffic enforcer ang nakapuwesto sa Commonwealth o ang tinaguriang “killer highway”. Kapansin-pansin ang mga nakabantay na traffic enforcer sa may Technohub hanggang Philcoa. Marami rin ang nagbabantay sa may Fairview area kung saan maraming nasasagasaan. Malapad na ang kalsada sa gawing Fairview kaya naman walang patumangga kung magpatakbo ang mga “killer driver” ng bus.
Maganda ang mga ginagawa ng MMDA para wala nang maganap o kaya’y mabawasan man lamang ang mga nangyayaring aksidente sa Commonwealth. Pero habang ang lahat ng MMDA enforcer ay sa Commonwealth nakatutok, marami namang aksidente sa ibang malalaki ring kalsada sa Metro ang nangyayari. Tila nakakaligtaan ng MMDA ang mga aksidente sa ibang lugar dahil sa sobra nilang pagtutok sa Commonwealth.
Isa sa mga kalsadang nakakaligtaan ng MMDA ay ang Quezon Avenue na halos araw-araw ay may mga bus na naaaksidente. Ang Quezon Ave. ay nagsisimula sa Mabuhay Rotonda at nagtatapos sa Quezon Memorial Circle. Maraming bus ang nagdadaan dito na nanggaling ng Taft at Quiapo patungong Fairview. Marami sa mga driver ng bus dito ang nagkakarera rin para lamang makakuha ng pasahero. Sa kanilang pag-uunahan, mayroon silang nasasagasaan. At ang gawaing ito ng mga sutil na bus driver ay hindi namo-monitor ng MMDA enforcer. Paano nga mamo-monitor ay abalang-abala sila sa pag-aayos ng Commonwealth.
Huwag lang ang “killer highway” ang tutukan ng MMDA sapagkat marami pang kalsada na dapat ding pagtuunan ng pansin. Ngayong papalapit na ang pagbubukas ng klase at nagsisimula na ang tag-ulan dapat paigtingin ng MMDA ang kanilang puwersa sa maraming kalsada.
- Latest
- Trending