Land transport ayusin na sana

BATAY sa salaysay ng cabbie, reckless bus driver ang pumatay sa pasahero niyang mamamahayag na Chit Estella nu’ng makalawang Biyernes. Nasa Commonwealth Avenue sila, pinaka-malapad na kalye sa bansa. Nag-slowdown ang taxi para lumipat mula second patungong pinaka-labas na lane, bago kumanan sa driveway ng U.P. Technohub. Whoosh! -- biglang may puminang bus sa kanan, at tumalsik ang side- mirror ng taxi. “Bakit?” napasigaw si Chit. Sa isang kislap -- wham! -- tinamaan sila sa likod ng isa pang bus. Nadurog ang trunk at huling upuan ng taxi; biglaan ang pagkamatay ni Chit. Tumakas ang driver; hindi man lang tiningnan ang mga biktima o sumuko sa pulis.

Malinaw na nagkakarera ang dalawang bus -- bagay na malimit mangyari sa 16-lane highway, dahil nag-uunahan na maisakay ang mga pasaherong naghihintay sa bus stop. Ito’y bagamat merong espesyal na 60-kph speed limit sa kahabaan ng Commonwealth, na kung sinunod ng dalawang bus ay walang mapipinsala. Kinabukasan at nu’ng sumunod na mga araw, sige pa rin ang pagkakarera ng bus sa Commonwealth. Gan’un din sa iba pang major roads sa bansa.

Ano na ang nangyari sa pagdidisiplina sa kalsada ng mga otoridad ng Metro Manila at land transport? Di ba’t inanunsiyo nilang tuturuan ang mga tsuper at paparusahan ang operators ng mga bus na malimit lumabag sa batas trapiko? Di ba’t nangako silang papalitan ng mainam na sistema ang kasalukuyang umiiral na “boundary”, para hindi na nag-aagawan sa pasahero ang mga bus?

Kinalimutan na ng opisyales ang mga mamamayang nabibingit-buhay sa mga kaskaserong bus. Naka air-conditioned SUVs kasi ang opisyales; hindi nararamdaman ang hirap ng karaniwang tao.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@workmail.com

Show comments