Sayang na sayang at hindi ko nalaman
na si Tita Betty ay pararangalan;
Nang nagdaang Linggo “Mothers Day” pa naman
parangal sa Kanya ay ang ‘Run for Mom’!
Nasabing takbuhan maraming lumahok
kung kaya kay saya’t si Tita ang tampok;
Panghihinayang ko ay di malalagot –
kaya itong pitak sa Kanya ay handog!
Sa PStar Ngayon ako’y nagsusulat
pero ang “Run for Mom” walang nagsiwalat;
Hindi man tumakbo ay pagbati agad
kay Sir M. Belmonte na butihing anak!
Nasabing takbuhan kung agad nabatid
dahil ako naman ay wala pang sakit –
Kahit may edad na ako ay sasaglit
siguro ang 2K tatakbuhing pilit!
Betty Go ang kanyang tunay na pangalan
at naging Belmonte nang sila’y pakasal –
Nang ngayo’y Speaker ng ating Batasan
pagsasama nila’y malaking tagumpay!
Mga anak nila ang siyang nagmanang
humawak ng dalwang STAR na maganda;
Sa pamamahala ay mahusay sila
kaya ang publishing ngayo’y nangunguna!
Nagpundar ng STAR ay si Tita Betty
ang patnubay niya ay napakabuti;
Mga empleyado, mga dukha’t api
tinutulungan n’ya at kinakandili!
Matagal na noon pero tanda ko pa
ang STAR at ako nang hawak ni Tita
Sa malaking building nang doo’y mapunta
sa munting gusali naunang umupa!
Noon ang Editor ay si Tony Roces,
saka si Andrew Go – butihing kapatid;
Nitong Tita Betty na lubhang mabait
kaya pati ako ay nabigyang break!
Pilipino STAR noo’y buhay na rin
ang Editor noon ay si Joe Buhain;
Kami ay masaya at di namin pansin
ang galit ni Marcos – nagkulong sa amin!