Living out, living free?

ITO ang tawag sa mga bilanggo sa New Bilibid Prison na hindi na masyadong binabantayan ng mga guwardiya, at hindi na sila kailangan ilagay sa mga masisikip at mala-sardinas na mga selda. Kung sino ang mga nagiging “living-out’ na bilanggo ay desisyon ng mga opisyal ng NBP. Kapag sila’y mapagkakatiwalaang hindi tatakas, puwede na silang “living-out”. Ganito si dating Batangas Gov. Tony Leviste. “Living-out” na siya. Pero sa kanyang paniniwala, at sigurado dahil sa kanyang kakayahan at impluwensiya, ang “living-out” para sa kanya ay buong Metro Manila! Ang “living-out” ay “living free”!

Nahuli si Leviste na nasa labas ng NBP, hindi lang isang beses kundi apat na beses, at madalas ay nasa kanyang gusali. May drayber at sasakyan para sunduin mula sa NBP, at dalhin kung saan niya gusto! May video pa na nagpapakuha ng litrato sa kalye ng Binondo! Si Leviste ay nahatulang mabilanggo ng anim hanggang 12 taon.

Pinuntahan din ng ABS-CBN ang “rest house” ni Leviste sa NBP living-out area. Maayos na kubo, na may balkonahe pa! Marami ring gamit sa loob. May pagkaing mamahalin at mga diyaryo! Kung baga, tila hindi siya nakakulong at nasa isang bakasyunan! Pero ang hindi katanggap-tanggap ay ang kanyang abilidad na makalabas ng NBP na nakakotse at may driver pa!

Dahil sa nasiwalat na ito, marami ang nanggagalaiti sa mga opisyal at guwardiya ng NBP, at sa sistema ng korapsyon na siguradong namamayani rito. Ayun, sinibak ni BuCor Director Ernesto Diokno ang 10 tauhan na may kaugnayan sa pagbantay kay Leviste, pero sabay pahayag na hindi siya magbibitiw sa trabaho. Wala raw siyang kasalanan. Hindi raw niya kayang sagutin at bantayan ang lahat ng problema at bilanggo sa buong bansa. Hindi raw siya ganito, hindi raw siya ganun. Hindi nga siguro dahil kinausap na raw niya si President Aquino.

Magbabago na ba ang sistema at patakaran ngayong usapin na ng buong bansa ang VIP treatment ng ilang mga mayayaman at maimpluwensiyang bilanggo? O magbabago lang ang mga tao na panibagong kakausapin para maibalik ang dating masayang sistema? Sa ngayon, wala na talagang hustisya sa bansang ito. Pinakita lang ni Leviste na walang saysay ang batas at parusa, at nababayaran ang lahat pati pananagutan. Si Leviste lang ang nahuli, ilang bilanggo ang naging masarap din ang buhay sa NBP? Kung matagal nang naririnig ng BuCor director ang mga balita ukol sa mga lumalabas na bilanggo, bakit hindi agad inimbestigahan? Kasi hindi niya kayang gawin lahat iyan?

Show comments