Editoryal- Pinaka-delikadong airport sa Asia?
KAMAKAILAN, napabalita na pinaka-masama o pinaka-pangit na airport sa Asia ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at panglima naman sa buong mundo. Pero nang bumagsak ang slabs na kisame ng NAIA Terminal I noong Martes at tinamaan ang isang airport employee, maaari nang bansagang pinaka-delikadong airport sa Asia ang NAIA. Kung namatay ang empleado, maaari nang tawaging pinaka-delikadong airport sa buong mundo.
Sa nangyari, nararapat nang pagtuunan ng pansin ang kalagayan ng NAIA. Nakakahiya na ang nangyayaring ito. Hindi na dapat ipagwalambahala ang nangyari. Paano kung ang nabagsakan ay isang foreigner na pasahero? Malaking isyu ito. Baka wala nang magdaan sa NAIA dahil matatakot nang mabagsakan ng kisame.
Ininspeksiyon ni President Aquino ang nasirang kisame at nakita niya ang katotohanang dapat na ngang ayusin ang paliparang ipinangalan pa naman sa kanyang namayapang ama. Gumamit pa ng flashlight si P-Noy para makita ang bahaging nasira.
Ilang linggo na ang nakararaan, inulan ng batikos ang pamunuan ng NAIA dahil sa mababantot at mga sirang comfort room. Kung ang ibang international airport ay magaganda at mababango ang CR, kabaliktaran sa NAIA na umaalingasaw sa baho. Kakahiya sa mga dumarating na pasahero na ang kanilang gagamiting CR ay sira, mabaho at walang tubig. Kung ang mga CR sa arrival at departure area ay mababantot, halos ganundin sa mga CR sa parking area. Hindi pa nakakapasok sa loob ng CR ang gagamit ay sumasalubong na ang nakasusulasok na amoy. Kakahiya talaga! Bukod sa mababahong CR, inire-reklamo rin ang mga sirang baggage cart. Mayroong ayaw gumana ang gulong sapagkat kinakalawang na.
Malaking katanungan kung saan napupunta ang ibinabayad ng mga pasaherong papaalis. Sa dami ng mga umaalis, malaking pera ang nakokolekta at sobra-sobra pa sa mga pagmi-maintain ng mga CR at baggage cart.
Ngayon ay kisame na ang bumabagsak. Hihintayin pa bang may mamatay dito at saka aasikasuhin ang mga sirang bahagi? Iprayoridad ito ng mga namumuno sa NAIA. Hindi tumutugma ang paanyaya ng Department of Tourism sa mga turista na bumisita sa bansa sa nakikitang kalagayan ng NAIA. Kakahiya.
- Latest
- Trending