Sugal sa Marikina
KUMILOS na ang city council ng Marikina para tuldukan ang lumalalang problema sa pasugalan sa siyudad. Naiparating na ni Konsehal Elmer Nepomuceno ang jueteng at lotteng operation sa city council na pinamumunuan ni Vice Mayor Fabian Cadiz. Ayon kay Nepomuceno, nangako si Cadiz na ipararating kay Sr. Supt. Gabriel Lopez ang problema sa pasugalan. Paano kung hindi kumilos si Gabriel, na kaklase ni Mayor De Guzman? Bahala na sina Cadiz at Nepomuceno kung ano ang gagawin nilang hakbang. Basta sa ngayon, tuloy ang jueteng at lotteng sa Marikina at medyo nagkalaman na ang bulsa ni Gabriel. Mukhang hindi maiangat ni Gabriel ang kanyang kamay na bakal sa jueteng ni Tony Santos at lotteng ni Don Ramon dahil nakasawsaw ang mga kamay niya.
Ayon sa mga kausap ko, ang gumitna kay Don Ramon para pasukin ang Marikina ay si Col. Tabuena. Ang ibig sabihin ng mga kausap ko, si Tabuena, na galing sa Pasig City, ang bagman ni Gabriel. At para mailayo ang bulsa nila sa pasugalan, gamit ni Tabuena si alyas Rocky bilang kolektor ng lingguhang intelihensiya. Si Rocky ay kolektor din ng intelihensiya ng Games and Amusement Board (GAB). Ang lupit mo Sir Rocky. Imbes kasi na ang kriminalidad ang tutukan ni Tabuena, ang pagkakitaan ang inuna niya. Kaya siguro imbes na shabu, tawas ang nakumpiska ng local na pulisya sa anti-drug operation nila noong nakaraang taon. Marami na ring pawnshop robbery at riding-in-tandem na kaso sa Marikina subalit ano ang ginawa ni Gabriel at Tabuena para malutas ang mga ito? Charge to experience na lang ba, Mayor De Guzman? Ganun lang ba ‘yon?
Kung sabagay, ang lumalalang kriminalidad sa Marikina ay tinututukan din ni Nepomuceno para iparating kay Cadiz at hingin ang basbas ng city council para masibak na sa puwesto si Gabriel, na ang tanging credential ay classmate niya si De Guzman. Magpakitang-gilas ka naman Col. Gabriel. Puksain mo ang kriminalidad sa Marikina at hindi panay pagkakitaan lang ang nasa utak mo. ‘Ika nga accomplishment muna, bago pitsa. Abangan!
- Latest
- Trending