Editoryal - Noon pa, may Very Important Preso na

NANG pumutok ang balita ukol sa convicted killer at dating Batangas governor Jose Antonio Leviste na nasa labas ito ng bilangguan at malayang “namamasyal”, hindi na ito gaanong ipinagtaas ng kilay nang marami. Paano’y matagal nang nangyayari ang ganitong praktis sa National Bilibid Prisons (NBP) na ang mga “bigatin” at “maykayang” bilanggo ay nakatatanggap ng mahusay na pagtrato mula sa mga namamahala ng pambansang piitan. Noon pa may mga “bigating bilanggo” na malayang nagagawa ang anuman nilang naisin --- kahit pa ang lumabas sa kulungan at mamasyal o maglibang. Madali itong nagagawa ng bilanggong maykaya sa buhay.

Inaresto ng mga agent ng NBI si Leviste habang nasa labas ng kanyang LPL building sa Makati noong Miyerkules ng hapon. Kasamang inaresto ang drayber nito. Si Leviste ay sentensiyado ng 12-taon dahil sa pagpatay sa kaibigan at aide nitong si Rafael de las Alas noong 2007. Dahil sa paglabas sa piitan, nahaharap sa paglabag sa Article 157 si Leviste at kapag napatunayan, madadagdagan ng anim na taon ang kanyang sentensiya.

Ang ginawa ni Leviste ay nagawa na rin ng ibang bilanggo. Maski sa Manila City Jail ay may mga bilanggong Intsik na nakakalabas ng kulungan at nakaka-pagsugal sa casino. Maski si dating congressman Romeo Jalosjos ay napabalitang tumatanggap nang maayos na treatment noong ito ay nakakulong pa sa NBP. Nakulong si Jalosjos dahil sa panggagahasa sa isang menor-de-edad. Umano’y may sariling hamburger stand si Jalosjos noon sa piitan. Bukod doon kumpleto sa kasangkapan ang selda nito --- may TV, ref, malambot na kama at kung anu-ano pang luho sa katawan.

Minsan na ring nakalabas si Jalosjos sa NBP at nagdaos ng Pasko sa kanyang probinsiya. Nang mabuking ang kanyang paglabas, walang anuman na nagbalik siya sa NBP. Ganun lang. Wala namang napabalitang sinibak sa puwesto dahil sa paglabas niya. Basta nawala na lang ang balita sa kanyang paglabas sa piitan.

At maaaring ganito rin ang mangyari sa ginawa naman ni Leviste. Lilipas din ang lahat. Malilimutan din ang lahat. Walang mananagot sa kanyang paglaya at muling mauulit sa hinaharap ang ginagawa ng mga Very Important Preso.

Show comments