'Ang na 'willing-willing' si Kalbo'
PAANYAYA! PALARO AT DANCE CONTEST para sa mga bata (4 to 12 years old).
Ganito ang karatulang makikita sa labas ng tindahan ng ‘complainant’ na nagsadya amin.
Siya ay si Romeo dela Cruz, 52 taong gulang mula sa Pasig City. Sinamahan siya ng kanyang kinakasama na si Joana Gubaton.
Isang mabigat na kaso ang ibinibintang umano sa kanya. Child Abuse o Violation of Republic Act 7610.
Ika-16 ng Disyembre, 2010 maraming nagkakaroling sa harap ng tindahan ni Romeo. Mga batang nagkakantahan, sumasayaw at namamasko.
Nagpunta sa kanilang tindahan ang isang batang tinago namin sa pangalang “Ruthy” 8 taong gulang. Napagkamalan daw ito ni Romeo na kasama ng mga batang nangangaroling. Tinanong niya ito, “Ne mangangaroling ka ba? Sasayaw ka din ba?” Hindi sumagot ang bata dahil ang sadya pala nito ay bumili umano ng sigarilyo. Madalas daw bumili ang bata sa tindahan ng sigarilyo kaya naitanong daw ni Romeo kung, “Wala ka bang kapatid?”.
Ganito nagsimula ang malaking problemang kinahaharap ni Romeo o “Kalbo” na naghatid sa kanya sa kalaboso.
Narito ang nilalaman ng reklamo ni Ruthy.
“Natatakot po ako kay kalbo dahil pinagsasayaw niya ako. Nung una nung bumili ako ng sabon tapos nung bumili ako ng pagkain. Sinabi ni kalbo sa akin na, “Wala ka bang kapatid?”. Nung pangatlo na pagbili ko ay sinabi ni kalbo na tatay ko daw ay Amerikano. Natatakot na ako kasi tatlong beses ng nangyayari kaya pag-uwi ko sa bahay, nagsusumbong ako kay mama at papa,”.
Ayon naman kay Romeo wala daw siyang masamang ibig sabihin doon dahil mahilig daw siya sa bata.
“Ang punto ko lang kaya ko nasabi na ‘wala ka bang kapatid’ ay dahil wala bang ibang pwedeng mautusan bukod sa kanya dahil sigarilyo ang binibili niya,” sabi ni Romeo.
Nakalantad din daw ang kanyang tindahan sa mga namimili na kung meron man daw siyang masamang balak ay maraming makakakita o makakarinig.
Base naman sa kopya ng salaysay ng ama ng bata na si Alvaro Santos, nagsumbong daw si Ruthy sa kanya na bago daw iabot ang kanyang binili ay kailangan muna nitong magsayaw.
Pinuntahan ni Alvaro si Romeo para kausapin pero wala ito sa bahay. Si Joana ang kanyang nakausap. Sinabi niya na pagsabihan si Romeo na tigilan ang pang-aasar sa kanyang anak dahil ito umano’y nagdudulot ng ‘trauma’.
Nagpasya siyang idulog ito sa Barangay Buting para doon mapag-usapan.
Nagharap sila sa barangay ngunit hindi nagkasundo. Itinanggi ni Romeo na pinagsasayaw at pinagsasalitaan niya ang bata.
Ayon pa kay Alvaro, hindi daw mahilig si Romeo sa mga bata dahil mismong tunay na pamilya daw nito ay hiniwalayan siya.
Hindi rin daw totoo na sigarilyo ang binibili ni Ruthy kundi ‘safeguard’.
Wala pa rin daw nagkakaroling noon dahil kasisimula pa lamang daw ng Simbang Gabi. “Halimbawa kapag kumanta ng Silent Night ang magkakaroling sasayaw ba yun?,” ayon kay Alvaro.
Meron din daw silang resulta mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) Psychiatric Evaluation, kanilang ebidensiya na naapektuhan ang bata.
Ayon sa kopya na aming nakuha, “The child seems to suffer from psychological violence/ harassment”.
Depensa naman ni Romeo ang lola ng bata na si Catalina Regado ay nagtatrabaho sa DSWD.
“Nakasulat sa rekomendasyon na kailangan daw nilang pakitaan ang bata ng pagmamahal, proteksyon, siguridad na siguro hindi nila naibibigay sa kanilang anak sa loob ng kanilang tahanan,” pahayag ni Romeo.
Ayon sa ‘Motion for Reduction of Bail bond’, halagang Php80,000 ang piyansa. Hinihiling nila Romeo na gawing kalahati na lang ang kanyang babayaran. Hindi pa daw maipatupad ito dahil wala umano ang ‘Judge’ na kailangang pumirma.
“Natatakot ako na baka pag gumala ako bigla na lang akong damputin ng pulis kaya gusto ko sanang mapatupad na ang motion for reduction of bail bond ko,” wika ni Romeo.
Itinampok namin sa CALVENTO FILES sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (tuwing 3:00 ng hapon) ang problemang ito ni Romeo.
Inirefer namin siya sa tanggapan ng Public Attorney’s Office (PAO) Pasig upang maasistehan siya na magfile ng ‘Motion for Withdrawal of Reduction of Bail’. Matapos noon maari siyang mag ‘Motion for Determination of Probable Cause’.
Handa na sana ang lahat para ihain ang mga nabanggit subalit noong ika- 13 ng Mayo, alas 6:00 ng gabi dinampot si Romeo.
Dinala siya sa Presinto ng C. Raymundo at dun ikinulong ng Sabado at Linggo.
“Hindi ako naniniwalaang gagawin ng asawa ko yun. Mahal na mahal niya ako. Habang nakakulong nga siya andun ako balik ng balik kada tatlong oras para samahan siya,” sabi ni Joana.
Gumawa ng paraan si Joana para makalaya si Romeo. Lumikom siya ng pera na umabot ng Php18,000. Noong ika- 16 ng Mayo nakalaya na si Romeo.
Nagbalik siya sa amin at nagpapatulong na makamit ang hustisya sa mga umano’y maling bintang na ipinaratang sa kanya.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, lagay na natin na walang malisya ang iyong pagtatanong na, “Ne mangangaroling ka ba? Sasayaw ka din ba?” at “Wala ka bang kapatid?” dahil iniugnay mo ito sa pagbili ng sigarilyo.
Sa panahon ng teknolohiya kung saan lahat ng bagay ay napapalapit, napapadali sa isang pindot sa ‘keypad’ ng ‘cell phone’ at sa ‘keyboard’ ng ‘computer’, bakit tila ang hirap lumakad ng ilang hakbang para kausapin ang isang kapitbahay na hindi naman kalayuan ang tahanan para kayo’y magkaintindihan.
Kung hinarap mo lang sana ang ama ni Ruthy ng siya’y magpunta baka hindi na humaba ang usapan. Hindi ka na rin sana nahabla, nakulong at naging maayos pa ang iyong pakikitungo sa lahat ng iyong kapit bahay.
Hindi pa rin naman huli na i-‘file’ ang mga papeles na ginawa para ang kagalang galang na hukom ay suriin kung meron ngang ‘probable cause’ para ikaw ay litisin sa kasong Child Abuse.
Manalig tayo sa ating ‘Judicial System’ na kapag nakatuntong ang iyong mga paa sa katotohanan hindi ka pababayan na magdusa sa bilangguan para sa isang krimen na hindi mo ginawa. (KINALAP NI AICEL BONCAY)
Sa gustong dumulog ang aming mga numero, 09213263166 o 09198972854. Ang landline 6387285 at ang 24/7 hotline 7104038 o magpunta sa 5th floor CityState Center bldg., Shaw Blvd., Pasig City mula Lunes-Sabado.
* * *
Email address: [email protected]
- Latest
- Trending