Ngayon lang?

PINATUNAYAN lang ng NAIA Terminal-1 kung bakit siya ang pinaka-masamang paliparan sa Asya, at panlima na pinaka-masama sa buong mundo. Ilang mga bahagi ng kisame ang bumagsak sa dalawang empleyado ng airport at isang sasakyan, sa dalawang magkahiwalay na insidente! Sigurado ako kapag nabalitaan ito sa buong mundo, mas lalong sasama pa ang imahe ng ating paliparan.

Ngayon, may imbestigasyon sa naganap na insidente, at pina-iinspeksyon na nang husto ang paliparan kung may masisira pa! Ngayon lang? Matapos ang lahat ng batikos sa NAIA Terminal-1, ngayon lang mag-iinspeksyon? Akala ko, dahil sa lumabas na mga pintas nga sa NAIA Terminal-1, inumpisahan na ang pag-ayos at aksyon sa mga reklamo ng mga pasahero, katulad ng mga banyo. Pero mukhang nagbigay ng paalaala na ang dapat inspeksyunin ay ang gusali mismo! May edad na ang NAIA-1, walang argumento roon. Pero dahil ginagamit pa rin, dapat lang na siguraduhing maayos at ligtas lahat. Mabuti na lang at hindi pasahero ang binagsakan ng kisame, kundi, dagdag na naman sa mga pintas at batikos!

* * *

Nahuling nasa labas ng Bilibid nang walang permit si dating Batangas Gov. Tony Leviste! Sa LPL Towers sa Makati na kanyang pag-aari siya nahuli ng NBI. Si Leviste ay nakakulong ng anim hanggang 12 taon para sa pagpatay sa kanyang matalik na kaibigan. Kaya ang tanong, bakit siya nasa labas na tila malaya? Ang kanyang dahilan, masakit ang ngipin at hindi na matiis, kaya kusang lumabas na lang para magpatingin. Nasa LPL Towers ang dentista ng New Bilibid Prisons? Kung ganun, lahat ng bilanggo na ‘living-out’ ay pwede na lang pumunta sa LPL Towers para mag padentista kung hindi na kaya ang sakit? O si Le-viste at ilang mga mayayamang bilanggo lang? Para saan ang sentensiya kung nakukuha naman pala lahat ng ginhawa ng buhay kahit “nakakulong”? Ano ang kahulugan ng salitang bilanggo?

Pinatunayan lang ng insidenteng ito na talagang may VIP treatment sa Bilibid. Sa kanyang depensa, sinabi ng direktor ng Bureau of Corrections na hindi raw nila kayang bantayan ang lahat ng bilanggo, kaya siguro nakalabas si Leviste nang walang pahintulot.

Kayo na ang magbigay ng mga sagot ninyo, ang sa akin lang, kung ganun, hindi pala ka-yang gawin ang trabaho. Maraming ulo ang dapat gumulong sa insidenteng ito. Mula sa mga bantay hanggang sa mga opisyal. Tiyak na may nakikinabang sa mga paglabas-labas ni Leviste. At siguradong hindi lang siya ang nakagagawa nito.

Show comments