EDITORYAL - Pagbayarin ang tax evaders
MARAMING indibidwal ang nandadaya at umiiwas sa pagbabayad ng tax. Kumikita sila nang malaki pero ayaw nilang ibigay ang para sa gobyerno. Gusto nila ay kumamal lamang nang kumamal. Kung makokolekta ang malaking pera mula sa mga nandaya at hindi nagbayad ng tax, tiyak na aapaw ang kabang-yaman ng bansa at maraming magagawang maganda sa kapakanan nang maraming Pinoy. Maari nang makapagpapagawa ng mga kalsada, tulay, school, patubig, at iba pa na mag-aangat sa buhay ng mamamayan. Maaaring makita ang tuwid na landas na sinasabi ni President Noynoy Aquino.
Marami nang kinasuhan ang BIR dahil sa hindi pagbabayad ng tax at kabilang dito si dating Social Security System (SSS) president Romulo Neri. Si Neri ay nagsilbing SSS chief sa panahon ni President Gloria Macapagal-Arroyo. Kinasuhan ng Department of Justice (DOJ) base na rin sa complaint ng BIR si Neri dahil sa hindi nito pagbabayad ng tax na nagkakahalaga ng P13.6 million. Ang complaint laban kay Neri ay sinampa ng BIR noon pang Nobyembre 2010. Dalawang counts ng paglabag sa Section 255 ng National Internal Re-venue Code ang sinampa kay Neri. Hindi umano dineklara ni Neri ang tunay niyang kinita bilang board member ng Philex Mines at Unionbank of the Philippines. Mahigpit namang pinabulaanan ni Neri ang alegasyon.
Bago si Neri, marami nang sinampahan ng kaso ang BIR. Kabilang si movie director Carlo Caparas na sinampahan ng kaso. Sinampahan din ng kaso ang isang may-ari ng pawnshop na hindi nagbayad ng buwis gayung kumikita naman ang establisimento at nakabili pa ng mamahaling Lam borghini.
Marami pang mandaraya at hindi nagbabayad ng tax kaya nararapat lamang na maging matiyaga pa ang pamahalaang Aquino sa pagtugis sa mga ito. Tapusin na ang maliligayang araw ng tax evaders. Hindi na dapat pang patagalin ang kanilang pamamayagpag. Masyado nang kawawa ang mamamayan na walang makamit na serbisyo sa pamahalaan dahil sa matatakaw na mandaraya sa tax.
- Latest
- Trending