Baluktot na daan
KAILANGAN ng isang batas para magtatag ng isang public office – ang mismong posisyon, kwalipikasyon, katungkulang gagampanan, limitasyon, sahod at gastusin, staff – iilan lang ito sa detalyeng kasama sa desisyon ng lehislatura na magdagdag ng pwesto sa pamahalaan.
May partisipasyon din ang Ehekutibo – siyempre, siya ang magtatalaga ng taong hahawak. Sa kanya ang “power to appoint”.
May pagkakataon din namang binibigyan ng Kongreso ng pahintulot ang presidente na ayusin ang mga kasalukuyang ahensya at posisyon sa Executive Department. Sa pamamagitan nitong “power to reorganize”, maaring hubugin ang opisina ng presidente upang maging mas matipid o higit na epektibo sa serbisyo. Tuwing ginagamit ng isang presidente ang permisong ito, maaasahang may posisyong matatanggal, opisinang liliit o malilipat sa ibang departamento. Gaya ng posisyon ng Presidential Chief of Staff na sa panahon ni Gng. Arroyo ay biglang binuwag. Dahil mayroon nang Executive Secretary at Presidential Management Staff (PMS), hindi na kinailangan ang posisyon ng Chief of Staff. Economy, efficiency and effectiveness, ito ang laging batayan.
Ito ring economy, efficiency and effectiveness ang dahilan kung bakit pinagmalaki ni President Aquino sa umpisa na tatanggalin daw niya ang dinatnang puwesto’t opisina na wala namang malinaw na job description.
Nagbuwag nga ba si P-Noy ng opisina? Oo naman. May mangilan-ngilan – sampu yata. Maliban dito’y wala nang napabalitang hakbang upang lalong paliitin ang gobyerno. At ngayon, heto ang balitang gagawa na naman ng puwestong bago – ang puwestong Chief of Staff na hindi kinailangan ni Arroyo – para lang akomodasyon sa natalong running mate na si Sen. Roxas.
Kung gusto talagang pakinabangan ni P-Noy ang galing at talino ni Roxas, bakit hindi na lang pangatawanan at ibigay sa kanya ang puwesto ng Executive Secretary o PMS? Ang dami namang kaila-ngang assistant! Nandyan din sana ang iba pang mataas at pres-tihiyosong posisyon sa Gabinete – why not Foreign Affairs, National Defense or Finance? Anong mensahe ang hatid nitong imbes na paliitin ang gobyerno ay palalakihin pa niya para lang mapagbig-yan si Roxas?
Ewan ko ba Mr. Pre sident pero malinaw para sa amin na hayagang pulitika ang na-mamayani dito at hindi economy, efficiency and effectiveness.
Baluktot yata.
- Latest
- Trending