MUKHANG ramdam na ng Palasyo na hindi papanigan ng nakararaming mambabatas ang sinertipikahan nitong bill para sa pagpapaliban ng eleksyon sa Autonomous Region in Muslim Mindanao Elections (ARMM) mula Agosto ng taon na gagawin sa 2013. Ito’y kahit pinagdidikdikan ni DILG Sec. Robredo na dapat itong maipagpaliban. Ang sabi ng Malacañang, lalahok ito at magtatalaga ng sariling mga kandidato kapag natuloy sa Agosto 8 ng taong ito ang ARMM polls.
Kung paninindigan ng Palasyo, iyan ang “win-win solution” ng administrasyon ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III. Batay kasi sa lahat ng indikasyon ay tuloy na tuloy ang eleksyon na inaasam-asam ng mga kababayan nating Muslim sa ARMM.
Mismong ang chairman ng Senate Local Government Committee ng Senado na si Senator Ferdinand “Bongbong” Marcos ang nagsabing kapos na kapos na ang panahon para magpasa pa ng isang batas na magpapaliban sa eleksyon.
Pabor rin na matuloy ang eleksyon ang ibang mambabatas tulad nina Joker Arroyo, Edgardo Angara, Miriam Defensor-Santiago, Juan Miguel Zubiri, Loren Legarda at Francis Escudero.
Sa Korte Suprema ay binigyang-daan naman ang isang en banc order ang petisyon ni Datu Michael Kida na kumokontra sa pagpapaliban sa eleksyon sa ARMM sa 2013. Ayon sa mga mahistrado, “sufficient in form and substance” ang petisyon ni Datu Kida.
Sa harap nito, ang pagtatalaga ng Malakanyang ng kandidato at ang pagsasagawa ng halalan sa ARMM ay magbibigay-daan sa tunay na reporma sa rehiyon sa ilalim ng mga inihalal na opisyal ng ARMM na may malinaw na mandato.
Mukhang naririyan na ang isang malinis at matahimik na halalan sa ARMM sa Agosto dahil matututukan itong mabuti ng pamahalaan, kapulisan, hukbong sandatahan, Comelec, mga NGOs, poll watchdogs tulad ng PPRCV at Namfrel at, higit sa lahat, ng publiko.
Ang totoo’y siguradong magkakandarapa raw sa paghingi ng basbas ng Palasyo ang maraming kandidato sa ARMM, ayon kay dating Senador Aquilino “Nene” Pimentel, Jr. kung kaya makakapili talaga si P-Noy ng mga kandidato na sa tingin niya ay magsusulong ng kanyang “daang-matuwid” sa ARMM.
Ang pagdaraos ng eleksyon ay pagpapa-tibay sa legacy na iniwan sa atin ng yumaong dating Pangulong Cory Aquino – ang pag bibigay ng awtonomiya sa ating mga kapatid na Muslim sa ilalim ng Konstitusyon.