Editoryal - Wala na bang pag-asa magbago ang ilang pulis?
PATULOY na hinahatak ng ilang pulis ang kanilang organisasyon sa putikan. Kaya hindi na nakapagtataka ngayon na makita lamang ang asul na uniporme ng mga pulis ay marami na ang kinakabahan. Ang iba pa ay masama na ang iniisip. Nagdudulot ng pangamba na baka kung ano ang gawin ng pulis sa kanila. Hindi masisisi ang mamamayan na kapag may nakitang police car hindi ito makakatulong kundi maghahasik ng lagim. Wala na nga bang pag-asang magbago ang ilang miyembro ng PNP?
Habang si PNP chief Director Gen. Raul Bacalzo ay walang tigil sa pagpapaalala sa mga pulis na ibangon ang puri ng kanilang organisasyon, marami pa rin ang hindi sumusunod at lalo pang inilulubog sa putikan. Marami pa ring pulis ang nasasangkot sa masamang gawain at kung anu-anong krimen. Marami pa rin na ayaw tuparin ang sinumpaang tungkulin.
Tatlong Makati City policemen ang sangkot sa pamamaril sa 13-anyos na basurero noong Lunes ng hapon sa Kamagong St. kanto ng Bagtikan,. Nagpapatrulya umano ang tatlong pulis na sina Chief Insp. Angelo Germinal, PO3 Robert Rinion at PO1 Nicolas Apostol Jr. nang makita ang tatlong bina-tilyo sa isang abandonadong gusali. Sinita nila ang mga kabataan. Nagtakbuhan umano. Nag-warning shot ang mga pulis. Pero nang mahawi ang usok mula sa pulbura, nakabulagta na ang isang bina-tilyo at may tama sa likod. Isinugod ang binatilyo sa ospital pero patay na nang idating doon.
Ang pangyayari ay isa lamang sa napakaraming kasong kinasangkutan ng mga pulis. Noong nakaraang taon, isang pulis-Maynila ang nanghostage at pumatay ng walong Hong Kong tourists. Ilang buwan na ang nakararaan, limang pulis-Maynila ang nangulimbat ng ransom money. Maraming pulis ang sangkot sa pangto-torture at pag-salvage.
May pag-asa pa nga kayang magbago ang ilang pulis? Ito ang malaking katanungan kay General Bacalzo. Sana, may magawa pa siyang epektibong paraan para magbago na ang ilang pulis.
- Latest
- Trending