^

PSN Opinyon

Makati police, inaagawan ang kawawang scavengers

BANAT NI BATUIGAS - Bening Batuigas -

HINDI dapat mahinto ang imbestigasyon ni NCRPO director Chief Supt. Alan Purisima sa kasong kinasasangkutan ni Chief Insp. Angelo Germinal, Precinct 5 commander ng Makati City police at mga tauhan na sina PO3 Robert Rinion at PO1 Nicolas Apostol Jr. dahil sa pagkabaril sa scavenger na si Christian Serrano. Sa pagkamatay ni Serrano, nabaon din ang pangarap niya na maging pulis. Pero dapat malaman ni Purisima kung bakit binaril ni Germinal ang walang kalaban-laban ang 13-anyos na si Serrano. Walang naniniwala sa sambayanan na babarilin ni Germinal si Serrano na walang sapat na dahilan. Hindi naman kasi krimen ang pamumulot ng basura sa ating bansa. Ang usap-usapan sa ngayon, pitsa ang dahilan kung bakit binaril si Serrano.

Ang kumakalat na balita, ang may-ari ng condemned building sa Bgy. San Antonio ay pumayag na baklasin ng scavengers ang mga bakal doon para naman may pagkakitaan siya. Ang katwiran niya kasi, kung uupa pa siya ng taga-demolish gagastos pa siya. Hindi lang ‘yan? Magbabayad din siya ng buwis sa City Hall. Kaya para iwas o maka-menos ng gastos, hinayaan na niyang ang mga scavengers ang makikinabang sa mga bakal.

Ang problema lang, ayaw ng pulisya, tulad ng tropa ni Germinal, na kumita ang mga scavenger ng malinis na pera. Matapos malaman ang sitwasyon ng condemned building, aba nakisali na rin ang mga miyembro ng Makati City police. Kada hapon, wala nang ginawa ang mga pulis kundi bisitahin ang Bgy. San Antonio at paghuhulihin ang scavengers. Kalimitan, pinagbabayad nila ng “multa” na P500 ang mga pobreng scavenger at kinukumpiska pa ang nakalap nilang bakal na ibinibenta naman nila para sila ang kumita. ‘Ika nga two birds in one stone ang lakad ng mga tiwaling pulis.

Pero ang pagmamalabis ng mga kapulisan sa Makati City ay may hangganan din. Sa kuwento ng mga saksi, nagpaputok kaagad ng warning shot si Germinal matapos mamataan ang mga scavenger. Parang mga kriminal sila, ano mga suki? At sa hindi malamang dahilan, nabaril nga si Serrano na ang tama ay sa likod. Hindi na inabot sa ospital si Serrano, na hindi man lang dinala sa ospital ng tropa ni Germinal. Parang ibon lang na binaril si Serrano. Hanggang sa ngayon, hindi pa masabi ni Germinal at mga tauhan niya kung ano ba talaga ang tunay na pangyayari sa pagkabaril kay Serrano. Nasa custody sila ni SPD director Chief Supt. Jose Arne de los Santos, matapos sumuko noong Huwedes.

Sinabi naman ng mga kausap ko na ang ugat talaga ng pag­­kamatay ni Serrano ay ang kahirapan. Nais lang ni Serrano na makakuha ng pandagdag sa kita ng kanyang amang electri-cian kaya naroon siya sa condemned building. Hindi niya akalain na ang pagiging matulungin niya sa pamilya ay maging mitsa ng buhay niya. At may ganitong uri pa ng kaso na mangyayari sa hinaharap kapag hindi kumilos si Purisima. Abangan!

vuukle comment

ALAN PURISIMA

ANGELO GERMINAL

BGY

CHIEF SUPT

MAKATI CITY

SAN ANTONIO

SERRANO

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with