ISANG taon na ang nakalilipas mula nang mag-landslide sa May 10, 2010 election si President Noynoy Aquino. Pero sa kabila na isang taon na ang nakararaan, wala pa ring nakikitang pagbabago sa takbo ng buhay ng mga Pinoy. Sa mga survey, lumalabas na nadagdagan pa ang mga nagugutom at nawalan ng trabaho. Sa isang survey pa kamakailan lang, lumabas na masyadong mababa ang grado ng Pilipinas sa paglaban sa corruption. Wala umanong ngipin ang batas laban sa mga corrupt.
Sa isang pag-aaral na isinagawa ng United Nations Development Program (UNDP) ukol sa ekonomiya ng Pilipinas, nakadidismaya ang resulta sapagkat 5.2 percent lamang ang tinaas ngayong taon na ito. Malayo ang rating na ito kumpara sa nakuhang 7.3 percent noong nakaraang taon. Maaaring makapagmalaki si dating President Gloria Macapagal-Arroyo sapagkat bahagi ng 2010 ay nasa kanya pang pamamahala.
Malaki ang inaasahan ng mamamayan sa kasalukuyang administrasyon. Marami ang nangangarap na magkakaroon ng magandang buhay at makatakas sa kahirapan. Si President Aquino na rin ang nagsabi na tatahakin na ang tuwid na landas sa kanyang admi-nistrasyon. Pero sa report na mabagal ang pag-unlad ng ekonomiya at mahina sa paglaban sa corruption, nakapagdududa kung mayroon nga bang tinatahak na tuwid na landas. Walang nakikitang pag-unlad o kung meron man, kapiranggot lang.
Isa sa mga tinitingnang dahilan nang mabagal na pag-unlad ay ang pagdami ng populasyon. Hindi na makontrol ang pagdami. Patuloy ang banggaan ng Simbahan at pamahalaan ukol sa Reproductive Health Bill.
Ang talamak na corruption ay isa rin sa mga dahilan ng mabagal na pag-unlad. Ang salaping dapat ay mapunta sa kaban ng bansa para magamit sa tamang serbisyo ay kinukurakot lamang. Ang usapin sa talamak na corruption ang pinag-uusapan ngayon.
Kung ang isa sa mga dahilan ng mabagal na ekonomiya ay ang paglobo ng populasyon, manindigan ang Aquino administration sa Reproductive Health Bill. Ipaglaban ang nalalamang tama. Sa paglaban naman sa mga corrupt, gamitin ang kamay na bakal para madurog ang mga nagsasamantala.