Editoryal - Kung pipili ng Ombudsman
HANGGANG ngayon ay hindi pa nakakakita ng kapalit ni dating Ombudsman Merciditas Gutierrez. Nag-resign si Gutierrez noong Mayo 3 at nag-effect ang resignation noong Mayo 6. Ang Judicial Bar Council (JBC) ang tumatanggap ng nominasyon para sa mga pipiliing Ombudsman. Sila rin ang mag-i-screen sa mga nominees. Ayon sa Republic Act 677 (Ombudsman Act) ang nomimado para sa Ombudsman ay dapat natural born Pilipino citizen, at least 40 years old, miyembro ng Philippine Bar, hindi candidate sa anumang elective national o local office at kailangan ay may 10-taong karanasan bilang judge o nagpraktis ng batas.
Hanggang kahapon, dalawa pa lamang umano ang natatanggap na nominasyon ng JBC at hanggang Mayo 16 na lamang sila tatanggap ng aplikasyon o nominasyon. Magdadaan pa umano sa mga mahihigpit at mahihirap na interbyu ang mga nominees. Marami pang dadaanan bago mapiling Ombudsman.
Para sa amin, okey lang kahit magtagal bago makapili ng Ombudsman. Basta masiguro lamang na karapat-dapat at may kakayahang magbantay sa mga corrupt sa pamahalaan ang mapipili. Hindi dapat magmadali sa pagpili sa Ombudsman sapagkat baka hindi karapat-dapat na tao na naman ang mailagay sa puwesto. Tama na ang mga pagkakamali. Kapag nagkamali na naman sa pagkakataong ito, kawawa naman ang taumbayan sapagkat maaaring marami na namang magnanakaw ang makakalusot sa batas. Bukod sa mga makakalusot na magnanakaw, “mauupuan” na naman ang mga malalaking kaso na dapat ay unahing bigyan ng resolusyon.
Salain ang magiging Ombudsman. Piliin yung may intergridad. Piliin yung tunay na magbabantay sa interes ng taumbayan. Piliiin yung marunong maghalukay ng ebidensiya para mapatunayan nang walang duda ang nagkasala. Piliin yung mahusay magpasya at laging nakabatay sa court of law at hindi sa mga sabi-sabi o opinion ng ibang tao. Pi liin yung walang kinikilingan at kinakampihan.
Mabubuhay ang pag-asa ng taumbayan kapag ang mga nabanggit na kuwalipikasyon ng napiling tataglaying Ombudsman.
- Latest
- Trending