BAKIT malabo ang aking paningin kapag bagong gising?
Ang dahilan nito ay ang kakulangan ng oxygen sa ating cornea, ang takip sa harap ng ating mata. Hindi ito masama. Ang gawin lang ay ipikit-pikit ang mata ng ilang beses, at dahan-dahan nang babalik ang linaw ng paningin.
Bakit hindi ko na mabasa ang diyaryo at mga malalapit na bagay?
Pag dating ng edad 40, nahihirapan na tayong magbasa ng malalapit na bagay. Ang tawag sa kondisyon na ito ay presbyopia. Ito’y dulot ng pag-edad at pagtigas ng lente ng ating mata. Ang lente ang taga-focus sa mga malalapit na bagay. Ang solusyon nito ay ang pagsuot ng salamin o reading glasses. Magpagawa ng salamin.
Ano ang gagawin ko kapag napuwing ako?
Kapag may bagay na nakapasok sa ating mata, kusa itong magluluha para matanggal ang puwing sa mata. May sariling mekanismo ang mata para mailabas ang puwing. Makatutulong din ang paghugas ng mata sa umaagos na tubig gripo. Huwag kuskusin ang mata at baka magasgas ang ating mata. Kapag hindi matanggal, kumonsulta sa espesyalista sa mata o Emergency Room.
Ano ang katarata? Paano ito gagamutin?
Ang katarata ay ang panlalabo ng lente ng ating mata. Ang madalas na dahilan ng katarata ay ang pag-e-edad, diabetes, paninigarilyo at pagiging exposed sa araw at polusyon sa hangin. Wala talagang pamatak na makagagaling sa katarata. Ang tanging solusyon ay ang cataract operation. Nagkakahalaga ito ng P35,000 sa pribadong doktor. Sa charity ospital, baka makuha ito ng P5,000-10,000. Makatutulong kung may PhilHealth kayo.
Paano pangangalagaan ang ating mga mata?
Heto ang mga payo ni Dr. Manuel Agulto, isang tanyag na ophthalmologist at doktor ni Mrs. Imelda Marcos.
1. Umiwas sa matitinding liwanag. Huwag tumingin
sa araw at nakasisilaw na ilaw. Ang Ultraviolet light mula sa araw ay nakasisira sa reti- na ng mata. Kapag nasa labas, gumamit ng malaking sombrero. Pumili din ng sunglasses na may proteksyon sa UV-A at UV-B (ultraviolet light).
2. Huwag magtagal sa computer. Mapapagod ang inyong mata, leeg at likod. Bawat 30 minutos, ay magpahinga at tumingin sa malayong lugar. I-adjust din ang puwesto at liwanag ng computer.
Bakit minsan ay kumukurap ang aking mata?
Ang pagkurap ng eyelids (twitching of the eyes) ay isang pangkaraniwang pangyayari. Hindi ito delikado. Ito’y dulot ng pagkapagod ng mata, kakula-ngan sa tulog o pag-inom nang maraming kape. Magpahinga lang at ipikit ang mata!