^

PSN Opinyon

'Sagupa sa Kasag'

- Tony Calvento -

(Unang bahagi)

SUNOD-sunod na malalakas na putok… akala ng mga tao ito’y bahagi ng pista. Hindi kalayuan dalawang lalaki ang pina-uulanan ng bala. Ang isa ay tadtad ng siyam na bala. Ang kanyang kasama naman ay tinamaan sa tiyan, tumatakbo papalayo sa mga lalaking armado ng malakas na uri na ‘automatic na mga baril’.

Nagkalat ang mga basyo ng bala mula sa iba’t ibang basyo ng baril. Ang ilan ay naghalo na sa dugong umaagos sa taong nakahandusay sa kalsada hindi kalayuan sa sentro ng plaza.

Dec. 25, 2009 ng maganap ang patayan sa barangay Pob­la­cion, Ba­nate, Iloilo. Kasagsagan ng kasayahan sa ‘KASAG FESTIVAL’ sa lugar na ‘yun!

April 26, 2011, isang ginang ang pumasok sa aming tang­gapan. Bihasa sa salitang ALEMAN. Tatlongpu’t dalawang taon daw siyang nagtrabaho sa Germany.

Siya si Gloria Bachoco, isang ‘therapist sa St. Joseph Hospital’. Iki­nwento niya sa amin kung paano nabulabog ang kanyang gawain ng makatanggap ng tawag mula sa kanyang pamangkin na nasa Italy.

Pambungad na salita sa kanya sa ‘cellphone’ ay “Tita Gloria, nag iisa ka ba? Tumawag ka na ba sa Pilipinas?”. Nagtaka siya at mabilis na kinutuban. Sumagot siyang, “Bakit? Anong problema?

Ayaw sabihin sa kanya ng kanyang pamangkin at pilit na pinapatawag siya sa Pilipinas. Unang pumasok sa kanyang isipan baka may nangyaring masama sa kanyang walumpu’t siyam (89) na taong gulang na ina.

Umalsa ang kanyang boses at sinabing, “Anong nangyari? Sabihin mo na sa akin,”. Inamin sa kanya nito na may masamang nangyari kay Carmelino Bachoco, kuya ni Gloria ‘dead on arrival’ ito sa ospital.

Nanginig ang kanyang buong katawan. Napaupo siya sa silya at humagulgol. Nabitiwan niya ang cellphone at nalaglag ito sa sahig. Nag-iiyak siya ng mag-isa sa loob ng kanyang sala.

Nagmadaling umuwi ng Pilipinas si Gloria. Sa burol ng kapatid, naka­usap nya ang testigo at ang nakaligtas na si Rally Belgira, tauhan ni Carmelino.

Base sa salaysay ni Rally, nagyaya si Carmelino na dumalo ng Kasag Festival. Pinark nila ang motor sa harapan ng Municipal Hall. Nag inuman sila at nakita itong si Mayor Carlos Cabangal, Jr.

Napansin ni Rally na masama umano ang tingin sa kanila ni Mayor Cabangal habang ang anak naman nito na si Peter Paul Cabangal ay abala sa pagte- text sa kanyang cellphone. Binaliwala niya ito at nag­pasyang umuwi.

Ayaw umandar ang motor. Hindi na ito mag-start. Napilitan silang maglakad at napadaan sa kalye ng Badilla St. Poblacion, Banate.

Nauunang maglakad itong si Carmelino. Isang metro ang layo sa kanya ni Rally. Bigla na lang daw may motor na huminto sa tabi nila sakay ang dalawang lalaki. Walang sabi-sabi bigla na lang silang pinaputukan ng lalaking nakaangkas sa motor.

Nakilala ni Rally ang bumaril na si Peter Paul Cabangal habang ang nagmamaneho daw ng motor ay si Carlo Cabangal, parehong mga anak ni Mayor Carlos.

Binaril umano ng ilang ulit si Carmelino na noo’y biglang bumulagta sa kalsada. Tutulungan ni Rally si Carmelino ng bigla daw sumigaw si Peter Paul at sinabing, “Ikaw Man?!” (Ikaw din?!) at binaril siya.

Tinamaan si Rally sa tiyan. Nagawa niyang makatakbo hanggang makapagtago siya sa likod ng halamanan, humigit kumulang apat na metro ang layo sa nagaganap na krimen.

Nakita niya umano na dumating ang grupo ni Mayor Cabangal. Kasama nito umano ang isa pa niyang anak na si Jerson Cabangal, pamangkin na si Eduardo alyas “Tata”.

Natanaw rin niya ang Mayor na may hawak na baril. Narinig niya ang sunod-sunod na putok ng baril.

Nang magsi-alisan na ang mga ito tumakbo itong si Rally papuntang ‘public market’ para makahingi ng tulong. Dinala siya sa ospital at dun inoperahan.

Habang si Carmelino naman ay ‘dead on arrival’ nang dalhin sa Tugbang Hospital Siyam na tama ng bala ang tinamo ni Carmelino. Limang iba’t-ibang kalibre ng bala ang umano’y tumama sa kanya.

Base sa salaysay ni Edgardo Espejo, manugang ni Carmelino, habang nasa ospital siya lumapit siya sa kanyang biyanan at tinanong kung ano ang nangyari.

“Si Pol-Pol ang ikaduwa bata niya” (Si Pol-Pol ang pangalawang anak niya).

“Ang tinutukoy ng kapatid ko ay si Peter Paul ang anak ni Mayor Cabangal. Dating supporter ni Mayor Cabangal ang kapatid ko. May restaurant si Carmelino na malapit sa Munisipyo ng Banate. Ipina-bulldozer yun ni Mayor. Nasira lahat ng gamit ni Carmelino tulad ng refrigerator at lamesa. Nabalitaan ni Mayor Cabangal na ang susunod na tatakbong Mayor ay yung pamangkin ko kaya sa pulitika sila nagkasamaan ng loob,” kwento ni Gloria.

Kasong Murder ang isinampang kaso ng National Bureau Investi­gation (NBI) Ilo-ilo at Frustrated Murder naman para sa ginawa kay Rally laban sa pamilyang Cabangal.

Itinampok namin ang istoryang ito sa CALVENTO FILES sa radyo ang Hustisya Para Sa Lahat sa DWIZ 882khz (tuwing 3:00 ng hapon).

Para lubusan ang tulong namin kay Gloria, tinawagan namin ang ‘Provincial Prosecutor’ ng Iloilo na si Prov. Prosec Bernabe Dusaban.

Inalam namin ang mga dahilan kung bakit natatagalan ang pagresolba ng kasong ito. Sinabi niya na kulang ang mga Prosecutor na hahawak ng Preliminary Investigation.

Nakausap namin ang may hawak ng kasong ito na si Prosecutor Ronel Sustituya. Sinabi niyang hindi niya daw ito nakakalimutan. Noong Ika- 15 ng Pebrero, 2010 daw ng mai-file ang kasong ito. Du­maan daw sa tamang proseso. Ika-3 ng Mayo nag ‘ocular inspection’ naman sila.

 Hindi pa daw sapat ang ‘clarificatory questioning’ dahil madami pa daw aspeto ang dapat tignan.

May 2010, ‘submitted for resolution’ na ang kasong ito. Sinabi niya na patapos na daw niya ang paggawa ng resolusyon.

“Huwag kayong mag-alala dahil kada linggo naalala ko si Carmelino dahil pumupunta ako ng Barutac Viejo. Nakikita ko doon ang karatula na ‘Justice for Bachoco’,” sabi ni Prosec. Sustituya.

Nangako siya sa amin na bago daw mag ‘Holy Week’ ay maila­labas na ang resolusyon na matagal ng hinihintay ng pamilya Bachoco.

Nakatanggap kami ng isang magandang balita pagkaraan ng Se­ma­na Santa. Natapos na ni Prosecutor Sustituya ang resolusyon at na­kakuha kami ng kopya nito.

ANO ANG NILALAMAN NG ‘RESOLUTION’ ng taga-usig sa ka­song ito?

ABANGAN sa BIYERNES EKSLUSIBO dito lang sa CALVENTO FILES sa PSNGAYON.

Ang aming programa sa radyo ay bukas sa anumang tala­ka­yan para sa mga complainants na walang kakayahang magpunta sa aming tanggapan. I-text niyo lamang sa mga numerong 09213263166 o sa 09198972854 at sasagutin namin on-air ang inyong problema. Ang landline 6387285 at ang aming 24/7 hotline 7104038. Maari din kayo magpunta sa 5th floor CityState Center bldg., Shaw Blvd., Pasig City mula Lunes-Sabado.

* * *

Email address: [email protected]

CABANGAL

CARMELINO

DAW

LSQUO

MAYOR CABANGAL

NIYA

SHY

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with