BUMALIK na sa tanggapan ng BITAG ang inang humingi ng tulong upang makuha ang isang taong gulang na anak sa kaniyang dating kinakasama na isang Police Colonel.
Sa pagkakataong ito, kasama na ang anak na matagal nang hindi nakita. Matapos ang halos isang buwang counseling at pag-eksamin ng DSWD sa ina, naibalik na rin ang bata.
Ayon kay dating GABRIELA Representative Lisa Maza, hindi kinakailangang maging pre-requisite ang counseling upang maibalik ang bata sa ina.
Nasa batas na ang mga batang edad anim pababa, matik na sa ina mapupunta ang kustodiya.
Sa sitwasyon daw ng inang lumapit sa BITAG, hindi na dapat kuwestiyunin pa ang ina dahil noong nasa kustodiya ng amang pulis ang bata, sa kampo lamang ito laging naiiwan.
Bukod sa pasasalamat, ilang karanasan pa ang naibahagi ng ina sa BITAG sa muling pagbalik nito sa amin. Kinainisan at kinagalitan umano siya ng mga social worker na umasikaso sa kaniyang kaso.
Sinisisi umano siya ng mga ito kung bakit lumapit pa sa media o ibig nilang sabihin ay sa BITAG. Naeskandalo daw si Colonel at sinisira daw ng ina ang kinabukasan ng kaniyang anak sa pagpapa-media.
Kung hindi ba naman din baluktot ang pag-iisip ng mga ito, maka-ilang beses ng lumapit sa kanilang institusyon ang ina upang humingi ng tulong, wala naman silang nagawa.
At ngayong inilabas na ng BITAG ang kanilang kahinaan, saka nagmamagaling. Kulang na nga lang sa kanilang mga ikinikilos eh sabihing, “Kinakampihan namin si Colonel.”
Hindi namin nakakatrabaho ang mga taong ito, kaya ganoon na lamang kung manghusga ng trabaho ng iba. Kung may konsensiya ba naman ang mga ito, naghihirap na ang kalooban ng ina, pupulaan mo pa.
Sa BITAG, bago kayo siguro dumakdak, ting-nan niyo muna ang resulta ng inyong trabaho, mga wala namang binatbat. Walk your talk. Nakaabot na rin sa amin ang mga pagbabanta umano ni Colonel sa inang lumapit sa amin, at may gagawin kami sa bagay na ito. Patuloy naming tinututukan ang kasong ito.