PINAG-USAPAN namin ng aking panganay na anak na si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada ang resulta ng 2011 Consumer Expectations Survey (CES) ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) hinggil sa savings and investment ng mga pamilya ng OFW.
Sinabi ng BSP na ang CES ay sinimulan nilang isagawa noong 2007 kung saan ang isa sa mga layunin nito ay alamin kung paano ginugugol ng mga OFW family ang natatanggap nilang remittance money at kung paano ito nagagamit para paunlarin ang kanilang buhay. Ayon sa survey, ngayong 2011 ay umaabot na sa 41.4 porsiyento ng mga OFW family ang regular na nagpupundar ng savings mula sa remittance money. Ito umano ay napakalaking pagtaas mula sa 7.2 porsiyento lang na may regular savings nang unang isinagawa ang naturang survey noong 2007.
Tumaas naman umano sa 5.7 porsiyento ng mga OFW family ngayon taon ang nagtayo ng maliit na negosyo kumpara sa 2.3 porsiyento lang noong 2007. Sinabi ng BSP, noong 2010 ay umabot sa record high na $18.8 billion ang kabuuang OFW remittance, kung saan ay halos katumbas na ito ng 10 porsiyento ng gross domestic product (GDP) ng bansa. Napakalaki umano ng potensiyal ng remittance money upang magbunsod ng mataas na pag-unlad sa buhay ng mga OFW family.
Si Jinggoy ay patuloy na nagpupursige ng mga lehislasyon na makatutulong sa pag-unlad ng mga OFW at kanilang pamilya.
Ibayo niya umanong isusulong ang mga programa upang hikayatin ang mga OFW family na regular na mag-impok o magtayo ng kahit maliit na negosyo. Kabilang sa mga nakikita niyang positibong hakbangin hinggil dito ay ang pagtitiyak ng special savings and investment package para sa kanila laluna sa pakikipag-ugnayan sa mga commercial bank at pribadong grupo.