Panggigipit o hustisya?

Inaabangan ng media ang Huwebes, May 12. Malalaman noon kung dadalo o iiwas ang mag-asawang Rep. Mikey Arroyo at Angela sa Dept. of Justice head office sa Manila. Inimbitahan sila ng DOJ magpaliwanag sa mara-ming kasong isinampa ng Bureau of Internal Revenue.

Ayon sa BIR, umiwas ang mag-asawa sa pagbayad ng P73.85 milyong buwis. Umano, hindi nag-file ng income tax returns si Mikey para sa taong 2005, 2008 at 2009, at kinalahati sa P2.4 milyon, P1.7 milyon at P376,000 ang binayaran para sa 2004, 2006 at 2007. Si Angela naman ay walang sinumiteng ITR para 2003 hanggang 2009. Pero sa panahong ‘yon namili sila ng mga bahay at lupa sa California; La Vista, Quezon City; at Lubao, Pampanga. Ayon sa Tax Code, ang pagpapababa sa buwis nang mahigit 30% ay prima facie evidence na ng panlilinlang. Bukod sa kumpiskasyon ng ari-arian, ang parusa ay kulong nang apat na taon at multang P30,000 sa bawat napatunayang count ng tax under-declaration. Kulong na sampung taon at multang P10,000 naman ang sa bawat count ng non-filing ng ITR.

Lumiliit ang mundo ni Arroyo. Batid ng US Federal Bureau of Investigation na umano’y niloko niya ang county, mortgage at bank records sa Foster City. Ito’y sa pagbili ng $1.32-milyon (P66-milyon) beachfront mansion nu’ng 2008. Ipinangalan kay Angela ang titulo, para umiwas sa batas na dapat aminin ng investor kung mataas na opisyal siya o kamag-anak sa ibang bansa. Nakautang si Mikey nang $858,000 (P43 milyon) miski ang deklaradong kita noon ay $8,400 lang (P420,000) kada taon bilang kongresista.

Ani Arroyo, panggigipit lahat ito ng benggatibong Aquino admin. Sagot naman ng Malacañang, hustisya ito.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@workmail.com

Show comments