Malaking pera ang nawawala sa kaban ng bansa dahil sa smuggling. Imagine, bilyong piso ang nawawala at napupunta lamang sa mga corrupt na opisyal na kakutsaba ng smugglers. Kung noon ay talamak na ang smuggling, ngayon ay lalo pang lumala ang masamang gawain. Hindi lamang mga produkto mula sa China at Hong Kong at iba pang Asian countries ang ipinapasok sa bansa kundi pati mga sasakyan.
Hindi makapaniwala ang marami na pati mamahaling motorsiklo na pag-aari ng isang Hollywood screenwriter sa Texas ay nanakawin at ipupuslit sa Pilipinas. Ang motorsiklo na nagkakahalaga ng $80,000 ay pag-aari ni Skip Woods. Ninakaw ang motorsiklo noong isang taon habang nasa parking lot ng kanyang condominium. Mula noon, hindi na tumigil si Woods para ma-locate ang kanyang motorsiklo. At gayun na lamang ang kanyang katuwaan nang matagpuan ang mamahaling sasakyan. Nasa Pilipinas pala — sa Cagayan de Oro kasama ang iba pang mamahaling sasakyan.
Ang pagkakapuslit ng mamahaling motorsiklo sa bansa ay nagpapakita lamang na talamak ang smuggling. Tiyak na may mga kasabwat sa Bureau of Customs ang nagpasok ng motorsiklo. Hindi basta maipapasok ang motorsiklo kung walang kakutsaba. Malaking pera ang sangkot kaya naipasok ang motorsiklo at iba pang mamahaling kotse. Noon pa, marami nang produktong smuggle ang inilulusot sa Mindanao.
Hindi malilipol ang mga smuggler kung hindi sila gagamitan ng kamay na bakal. Wakasan na ang pamamayagpag ng smugglers para magkaroon ng karagdagang laman ang kaban ng kawawang Pilipinas. Hindi kailanman maisusulong ang mga planong pagpapaganda sa ekonomiya kung may mga taong magsasamantala.