Picture ng pamilya nasa aking kwarto
Sa araw at gabi ay nakikita ko;
Kwadro’y nakasabit sa ulunang dako
Ng aking higaang malapit sa pinto!
Kapag ibinukas nasabing pintuan
Nasa likod nito nasabing larawan;
Kaya buong kwadro’y di nasisilayan
Nang kahi’t na sinong nasa sa tahanan!
Okey lang sa akin kalagayang ito –
Ang nasa larawan ay mahal kong walo;
Si tatay si inay at limang kuya ko
Ang pito’y patay na wala na sa mundo!
Sa larawang iyon ay kandong ni tatay –
Ang tanging babae na aking sinundan;
At ako na bunso – di mo mamamasdan
Pagka’y nasa tiyan pa ng ina kong mahal!
Kami’y pitong anak – patay na ang lima
Si ate at ako ang ngayo’y buhay pa;
Kapwa edad nami’y higit ng sitenta
Kaya bonus namin lubhang marami na!
Ang kwadro’y maayos at saka matibay
Pagka’t kahoy narra mahaba ang buhay;
Magulang kapatid na ngayon ay patay
Sa pagdarasal ko ay laging karamay!
Luma ang larawan pero buo pa rin
Ito’y walang mantas ni bahid na itim;
Kung ako’y mawala sa daigdig natin
Sa anak at apo ay ihahabilin!
Mga kapatid ko na pawang lalake
Sa larawa’y ayos at puro disente;
Naka-Amerana si amang kay buti
At naging konsehal sa baya’y nagsilbi!
At ang aking ina sa larawang iyon
Naka-baksang terno na uso pa noon;
Sayang at hindi ko nakitang panahon
Ang aming panganay na naka-pantalon!
Si ama’y maagang kinuha ng langit
Kung kaya si ina ang naging katalik’
Nasa college ako – si ina’y umalis
Kaya sa pagtula ay bakas ang hapis!